Pahayag ng Kabataan sa ulat ng CHED

ENTOTONG ibabahagi ng chief kuwago sa ating readers ang pahayag ng Kabataan partylist sa ginawang tula este mali ulat pala sa CHTE. Bibigyan naman natin ng espasyo sa kolum na eto ang sagot ng CHED sa pahayag ng Kabataan partylist.

Pahayag ng Kabataan sa ulat ng CHED sa nakaraang pagdinig ng Committee on Higher and Technical Education (CHTE). Sa harap ng palyadong tugon ng administrasyong Duterte sa krisis pangkalusugan at pang-ekonomiya, hindi rin lubos na naipakita ng Commission on Higher Education (CHED) ang tunay na kalagayan ng kabataan at sektor ng edukasyon, sa ulat nito sa committee hearing ng CHTE noong Agosto 28.

Nakakabahala na sa kasalukuyang paghihirap ng mamamayan, pilit pang itinutulak ang kulang sa paghahandang full online, blended, o kaya nama’y limited face to face na moda ng pagpapatuloy ng edukasyon. Sa kabila rin ito ng kawalang katiyakan sa kalusugan dulot ng kawalan ng mass testing at programang pangkalusugan sa mga paaralan at para sa mga kawani.

Dagdag, hindi kaya ng marami sa ating kababayan ang online learning dahil sa dagdag na gastusin sa pagbili ng mga gadget at pan-load para sa internet. Dulot na rin ng kawalan ng trabaho at kakulangan sa tulong pinansyal, maraming mga pamilya ang naghihikahos para lamang makaraos sa araw-araw. Kung mayroon man na natatanggap na ayuda, ito’y kulang na kulang sapagka’t kailangan itong ipambayad sa mga utang sa kuryente at tubig sa mga nagdaang buwan, at kailangan magtabi ng pera para sa pagkain at iba pang pangangailangan. Isa pang problema ang kawalan ng maayos na internet connection, kung mayroon mang matibay na signal na nakukuha. Marami rin ang hindi makaka-akses sa mga educational resources lalo kung online lamang ang mga ito at walang mga pang-estudyanteng pasilidad sa mga lokalidad. Malinaw na hindi ginagampanan ng CHED ang mandato nito na gawing abot-kaya ang mas mataas na edukasyon, lalo na para sa mga mahihirap at masang anakpawis.

“Kailangang makita ng CHED lalo na ng buong Administrasyong Duterte ang matagal ng ugat kung bakit tayo ay may kahirapan sa pagtugon sa continuing education sa panahon ng pandemya bago ulit humarap sa panibagong hamon ng remote learning, at isa dito ay ang hindi sapat na alokasyon dito,” ani Jim Bagano, Deputy Secretary General ng Kabataan Partylist. Kung itutulak ang kahit anong porma o antas ng pisikal na klase, may budget o koordinasyon ba ang CHED sa ibang mga ahensya ng gobyerno at SUCs patungkol sa pagsagot sa mga gastusin sa ospital sa pagkakataong may magka-COVID na guro o estudyante? Kung tutuusin, mas mainam na hindi na humantong pa sa pagkakaroon ng maraming bagong kaso ng COVID; huwag na natin hayaan na may magkakasakit pa at may mamamatay pang kabataan o guro bago malinawan ang administrasyong ito na hindi ligtas ang pagbabalik sa pisikal na klase sa ngayon.

“Hindi pupwede na ang budget sa mga panlipunang serbisyo tulad ng edukasyon ay nananatiling maliit at kakarampot, ngunit libu-libong porsyento and itinataas ng mga programang malinaw na ginagamit sa panunupil ng mga mamamayan,” pagtatapos ni Bagano.

Sa gitna ng pandemya at sa magiging pangmatagalang epekto nito, imbes na paglaanan ng bilyong bilyong pondo ng gobyerno ang mga program na magbibigay ng nakasasapat at abot kayang mga serbisyong lipunan tulad ng edukasyon at kalusugan, iminumungkahi pa nito ang pagpapanatili ng mataas na budget para sa confidential intelligence funds ng kanyang opisina, mataas na budget para sa kapulisan at militar na primaryang instrumento sa panunupil ng karapatang pantao, at ang aabot sa 3000% na dagdag sa budget na nakalaan para sa National Task Force to End Local Communist Armed conflict, na walang ibang ginawa kundi mangred-tag at mag-akusa sa mga kritiko, aktibista, at ordinaryong mga mamamayan na lumalaban lamang para sa kanilang mga karapatan na mga terorista. Patuloy na maninindigan ang Kabataan Partylist na ang edukasyon, anumang antas, ay karapatan ng mamamayan. Imbes na pahirapan ang mamamayan sa mga polisiyang pang-eduksyon na ipinapatupad na naglalagay sa panganib sa mga kabataan o kaya nama’y nagpipirmis na sila’y mapag-iwanan, ang representasyon ay nananawagan ng ligtas na balik eskwela.

Kasama sa panawagan para sa #LigtasNaBalikEskwela ang pagtitiyak na maabot ang mga pangkalusugang rekisitos sa buong bansa tulad ng mass testing at epektibong contact tracing, isolation, at treatment kahit sa antas ng mga paaralan. Dito matitiyak ang kalagayang ligtas na ang pagbubukas ng mga paaralan. Isa pa, dapat paglaanan rin ng pondo ang pagtatayo at pag-maintain ng mga pasilidad at serbisyong pangkalusugan sa mga paaralan.

Tanging sa ligtas balik eskwela lamang pare-parehong magkakaroon ng kagaanan ang mga drayber, manininda, mga guro, mga estudyante at ang kanilang mga magulang, at matitiyak na walang maiiwanan sa patuloy na edukasyon sa harap ng pandemya. Ipaglaban ang ligtas na pagbabalik eskwela! Edukasyon, karapatan ng mamamayan!

Show comments