Abu Sayyaf ang may kagagawan ng dalawang magkasunod na pambobomba sa Jolo, Sulu noong Lunes na ikinamatay ng 15 katao at ikinasugat ng 75. Karamihan sa mga namatay ay mga sundalo. Naganap ang unang pagsabog dakong 11:54 ng umaga sa Barangay Walled City malapit sa isang restaurant at grocery store. Maraming sundalong nagpapatrulya sa lugar samantalang ang ibang sundalo ay namimili ng kanilang mga supply.
Nasa ‘di-kalayuan ang kanilang military truck. Maraming vendors sa kalye at may mga batang naglalaro. Marami ring kumakain sa hanay ng food stalls. Nang biglang may sumabog. Nang mahawi ang usok, nagkalat ang bangkay sa kalsada. Sabi ng may-ari ng botika sa ‘di-kalayuan, mga bangkay ng sundalo ang nakita niya. Natagpuan sa lugar ang wasak na wasak na motorsiklo na pinagkargahan ng bomba.
Makalipas ang isang oras, 12:57 ng tanghali, naganap ang ikalawang pagsabog malapit sa sangay ng Development Bank of the Philippines, may 100 metro mula sa pinangyarihan ng unang insidente. Ayon sa report bago ang pagsabog, isang babae na may kahina-hinalang kilos ang sinita ng isang sundalo dahil mayroong nakabukol na bagay sa ilalim ng damit nito. At kasunod ay ang malakas na pagsabog. Patay ang babaing suicide bomber at ang sundalo. Ayon sa report, Indonesian ang suicide bomber.
Mga Abu Sayyaf ang nasa likod ng pambobomba at muli silang gumamit ng babaing suicide bomber. Walang ipinagkaiba sa nangyaring pambobomba sa Our Lady of Mount Carmel cathedral noong Enero 2019 na ikinamatay ng 23 katao at ikinasugat ng 102. Dalawang Indonesian din ang suicide bombers.
Ayon sa military, hinahanap na nila ang Sayyaf leader na si Mundi Sawadjaan na isa ring bomb maker. Ang teroristang ito ang hinahanap ng apat na Army intelligence na pinatay naman ng mga pulis sa isang checkpoint sa Jolo noong Mayo. Kung hindi napatay ang apat na sundalo, maaring nahuli nila si Sawadjaan at hindi naganap ang pambobomba noong Lunes.
Kamay na bakal na ang nararapat sa Abu Sayyaf. Matinding opensiba ang ilunsad sa mga ito. Pulbusin na sila! Maging mapagmatyag naman ang mamamayan lalo na kung nasa mataong lugar. Huwag maging kampante. Naghihintay lamang ng pagkakataon ang mga terorista.