Unang pinahayag ng Department of Transportation (DOTr) ang planong paniningil ng toll fee sa kahabaan ng EDSA. Kahapon, binawi ng DOTr ang pahayag at sinabing hindi naman ito pinal o balak pa lang. Sinabi ni DOTR Assistant Secretary Alberto Suansing na ang proposal na paglalagay ng toll way sa EDSA ay makakatulong para mabawasan ang mga sasakyan sa nasabing kalsada bukod pa sa makadaragdag nang malaki sa revenue ng pamahalaan ang makokolektang toll fee. Kapag natuloy, sisimulan ito sa susunod na taon, sabi ni Suansing.
Ayon kay Suansing, ang paniningil ng toll fee ay mula 7:00 ng umaga hanggang 10:00 ng umaga at mula 4:00 ng hapon hanggang 9:00 ng gabi. Maaaring magsimula ang toll sa Quezon Avenue hanggang Roxas Blvd. Uniform umano ang charges sa mga motorista at gagamitin dito ang Radio Frequency Identification (RFID) technology para maging mabilis ang paglalakbay ng mga motorista.
Marami ang tumutol sa planong ito ng DOTr. Sa halip daw na lagyan ng toll na magdadagdag ng pasanin sa mga motorista, iimproved na lang ang ginagawang kasalukuyang proyekto kung saan, nasa kaliwa ang mga bus at may sariling sakayan at babaan. Mas mahusay pa ito sapagkat hindi maaagawan ng lane ang mga pribadong sasakyan. Magkaroon lamang nang magandang shades ang mga pasaherong bababa at sasakay ay maisasaayos ang EDSA.
Isa pa, kung maniningil ng toll, dapat pagandahin ang EDSA. Wala dapat baku-bako ang kalsada. Sa kasalukuyan, pawang tapal-tapal lamang ang kahabaan ng EDSA. Maari bang maningil kung masama ang dadaanan ng mga sasakyan. Parang hindi tama na maniningil ng toll pero napakasama ng daan.
Hindi katanggap-tanggap na lagyan ng toll ang EDSA. Nararapat na mag-isip pa ng mas maganda at kapaki-pakinabang ang DOTr kaysa sa balak na ito.