EDITORYAL - Umalingasaw na ang korapsiyon sa PhilHealth
Hindi lang langhap kundi amoy na amoy na ang katiwalian sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth). Tinapos na ng Senado ang hearing at maraming senador ang nagsabi na dapat suspendehin na ni President Duterte ang mga matataas na opisyal ng PhilHealth. Nagtataka ang mga senador kung bakit ang mga matataas na opisyal ay nananatili pa rin gaya nina PhilHealth President Ricardo Morales at dalawang senior vice presidents.
Kamakalawa, sinuspende na ni Ombudsman Samuel Martires si dating PhilHealth President Roy Ferrer at 12 opisyal ng insurance agency. Si Ferrer ay nagbitiw noong nakaraang taon makaraang mabulgar ang P154 bilyong pagkalugi ng PhilHealth. Itinalaga naman ni President Duterte si Ferrer na undersecretary ng Department of Health (DOH).
Nakakalugod ang ginawa ng Ombudsman na pagsuspende sa 12 opisyales ng PhilHealth. Subalit, katiting lamang ang bilang na ito kung tutuusin sapagkat sa pag-iimbestiga ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) nasa 36 na opisyales ang sangkot sa corruption. Wala pa sa kalahati. At nakadidismaya na ang mga matataas na opisyales ay nananatili pa sa puwesto.
Nang kapanayamin si PhilHealth President Morales ng radio station noong nakaraang linggo kung bakit hindi pa siya bumababa sa puwesto, sinabi nitong may ipagagawa pa umano sa kanya si President Duterte.
Nagsimula ang kontrobersiya sa PhilHealth ng isang dating opisyal dito ang nagbulgar na may sindikato sa PhilHealth at ang mga ito ang dahilan sa pagkalustay ng P15-bilyong pondo. Minamaniubra umano ng sindikato ang interim reimbursement mechanism (IRM) at procurement ng “overpriced” information and communication equipment.
Nakadidismaya ang nangyayaring ito na matutuyuan ng pera ang PhilHealth dahil sa katiwalian ng mga opisyal. Ang labis na kawawa ay mga miyembro na naghuhulog ng premium pero kapag kailangan na nila sa emergency ay wala na pala silang aasahan dahil simot na ang pondo ng ahensiya dahil sa corruption.
Sabi minsan ni President Duterte, makalanghap lang siya ng corruption sa isang tanggapan ng gobyerno, sisibakin agad niya ang sangkot. Bakit hindi niya gawin ngayon. Alisin niya ang mga matataas na pinuno ng PhilHealth sapagkat higit pa sa langhap ang naaamoy na corruption doon. Gawin ito para maisalba ang PhilHealth
- Latest