EDITORYAL - Lindol sa panahon ng pandemya

Nilindol ang Masbate kahapon ng umaga na may lakas na 6.6 magnitude. Maraming nasi­rang bahay at nagkabitak-bitak ang mga kalsada. Isa ang naiulat na namatay nang matabunan nang nagiba niyang bahay. Umabot naman sa 36 ang nasugatan. Ayon sa Phivolcs ang epicenter ng lindol­ ay nakita sa bayan ng Catangian. Naram­daman din ang lindol sa Quezon at Central Luzon.

Nagpahayag naman ang Malacañang na agarang­ tutulungan ang mga biktima ng lindol. Nakahanda umano ang pamahalaan para mabigyan ng pagkain, tubig, blanket at iba pa ang mga apektadong mamamayan ng Masbate. Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, sa rami nang mga trahedya o kalamidad na sumapit sa bansa, natutunan nang maging handa sa lahat ng oras ang pamahalaan. Kaya wala raw dapat ipag-alala mga apektado. Ayon pa kay Roque, maaaring dumalaw si President Duterte sa Masbate para makita ang pinsala ng lindol.

Maaaring dumating ang lindol, anumang araw at oras. Masosorpresa na lang. Nakakalungkot lang dahil tumama ito habang ang mamamayan ay naki­kipaglaban naman sa “hindi nakikitang” kalaban na COVID-19.

Mahirap ang sitwasyon ng mga nawalan ng bahay dahil maaaring manatili sila sa evacuation centers. Nagbibigay ito ng pangamba dahil sa rami ng mga taong nasa evac centers ay baka doon sila magkahawa-hawa ng sakit. Paano ang mga bata at senior citizens?

Sana ay makabisita si President Duterte sa lugar para maging mabilis ang aksiyon ng local government units (LGUs) doon. Nararapat maayudahan ang mga biktima ng lindol. Ipagpatuloy naman ang mahigpit na pagpapatupad ng health protocol sa mga evac center para maging ligtas sa pagkakasakit ang mga evacuees.

Kahit may pandemya, dapat ding ipaalala sa mama­mayan na maging handa sa pagtama ng lindol. Sa kasalukuyang sitwasyon na hindi makapagdaos ng earthquake drill dahil sa pandemia, magbigay ng babala ang Phivolcs. Magbigay ng tips kung ano ang gagawin sakali’t tumama ang lindol.

Show comments