EDITORYAL - Paghandaan pa ang pagbubukas ng klase
Sa halip na sa Agosto 24 bubuksan ang school year 2020-2021, ginawa itongh Oktubre 5 sa utos ni President Duterte. Sa memorandum na nilagdaan ni Executive Secretary Salvador Medialdea noong Biyernes (Agosto 14) nakasaad na inaatasan ang Department of Education (DepEd) na siguruhin na handang-handa na ang kagawaran sa pagbubukas ng klase sa pamamagitan ng bagong sistema o blended learning. Nakasaad sa memo na nararapat na paghandaan para maging maging matagumpay ang pagbubukas ng klase. Ito ang ikalawang pag-postpone sa pagbubukas ng klase. Una ay noong Hunyo 1.
Ang muling pagpapaliban sa pagbubukas ng klase ay dahil na rin sa rekomendasyon ng mga senador sa DepEd para ganap na makasunod ito sa hamon ng blended learning. Ayon sa report, hindi pa ganap na handa ang DepEd sa bagong sistema kung saan gagamit ng gadgets --- computer, laptop, TV at radio – para maturuan ang mga estudyante. Sa isinagawang dry run kamakailan, nakitaan ng mga mali ang mga inihandang aralin. May maling spelling, grammar at iba pa. Pero sabi ng DepEd, itatama nila ito bago ang pagbubukas ng klase sa Oktubre 5.
Ang mga estudyanteng walang gadgets ay susuplayan ng printed modules. Mga guro umano ang magdi-distribute ng modules sa bahay ng mga estudyante. Problema lang ng mga guro, baka magkahawahan ng COVID-19 kapag magtse-tsek na sila ng modules. Kaya ang iba, iminungkahing magbukas ang klase kapag may bakuna na.
Dapat paghandaan ang pagbubukas ng klase. Nararapat maging maayos. Pero dapat din namang siguruhin ang kaligtasan ng mga guro lalo na ang mga mamamahagi ng printed modules. Kailangang suportahan ang mga ito para maging ligtas sa pagkakasakit.
- Latest