Environmental problem kaakibat ng pandemic

Nababahala ang Department of Environment and Na­tural Resources sa ilang posibleng problema sa kapaligiran kaakibat ng di pa masawatang COVID-19 pandemic.

Kaya hinihikayat ng DENR ang madla na gawing tama ang pagtatapon ng mga nagamit nang disposable face mask at gloves sa ating mga tahanan hindi lamang para maiwasan ang paglaganap ng plastic waste kundi upang maiwasan din ang pagkalat ng Covid-19.

Sa tingin ko, mas makabubuting gamitin na lang ‘yung mga washable o puwedeng labhan kaysa mga dispo­sable na itinatapon gaya ng mga diapers at sanitary napkins. Ang mga Personal Protective Equipment oPPE tulad ng disposable face masks at gloves ay naging basic needs natin dahil sa pandemya. Sa katunayan, ang produksyon ng mga PPE masyadong tumaas para matugunan ang pangangailangan sa panahong ito.

Tinatayang nasa 129 bilyong facemasks at 65 bil­yong­ gloves ang nagagamit kada buwan sa buong mundo.  Anang DENR, ang mga nagamit nang PPE, na tiyak na may taglay ng sari-saring sakit at impeksyon, ay maglilikha ng isang malaking suliranin kung hindi maipaplano ang wastong pagtatapon nito.

Maging dito sa ating bansa, ang hindi wastong pagta­tapon ng nagamit nang face masks at gloves ay dahilan sa pagkalat nito sa ating mga daluyong tubig gaya ng canal­, creek, estero, ilog, at dagat.

Tunay naman na ang sitwasyong ito ay napalaking dagok sa ating kapaligiran at likas-yaman. Ito rin ay tiyak na magdadala ng masamang epekto sa kalusugan ng mga tao pati na rin sa mga hayop.

Show comments