EDITORYAL - Tutukan ng DOH ang dengue cases

Naiulat kahapon ang pagdami ng kaso ng dengue sa Pangasinan na ayon sa report, 13 katao na umano ang namatay. Biglang tumaas ang kaso ng dengue sa lalawigan. Noong nakaraang Mayo, naitala ang 935 na kaso ng dengue at siyam ang namatay. At kahapon, umakyat na sa 13 ang namatay, ayon sa Pangasinan Provincial Health Office (PHO).

Bukod sa Pangasinan, may mga naiulat ding kaso ng dengue sa Bulacan, Pampanga at Bataan. Sunud-sunod ang mga pag-ulan sa mga nabanggit na lugar at may mga binaha pa. Ito marahil ang dahilan sa pagdami ng mga lamok na may dalang dengue.

Dumarami ang kaso ng dengue habang patuloy din naman ang pananalasa ng COVID-19 sa bansa. Dalawang sakit na naghahatid ng pangamba sa marami. Sa rami ng mga nagkainpeksiyon na dulot ng COVID, punumpuno na ang mga ospital. Paano kung lumobo rin ang dengue cases? Saan dadalhin ang mga pasyente?

Sa nangyayaring ito, dapat din namang gumawa ng hakbang ang Department of Health (DOH) para mabigyan ng atensiyon ang mga may dengue. Kung mayroong nakalaan na pasilidad para sa COVID patients, dapat ganito rin ang gawin sa mga biktima ng dengue. Karaniwang mga bata ang biktima ng dengue.

Noong nakaraang taon, naitala ang 70,000 kaso ng dengue at 312 ang namatay. Sintomas ng dengue ang mataas na lagnat na tumatagal ng isang linggo, kulay kapeng ihi, paglabas ng pantal-pantal sa balat at pananakit ng katawan. Kapag nakitaan ng mga palatandaang ito ang kaanak, dalhin agad sa doctor.

Ipinapayo na takpan ang mga drum, timba at iba pang lalagyan ng tubig para hindi pangitlugan ng lamok. Itapon din ang mga basyong bote at lata, tinapyas na gulong ng sasakyan, mga paso ng hala­man at iba pang posibleng breeding ground. Linisin ang mga kanal na hindi umaagos ang tubig sapagkat dito nangingitlog ang mga lamok. Mabilis dumami ang mga lamok. Sa isang iglap ay nagiging halimaw na nagsasabog ng lagim.

Masyadong abala ang DOH sa COVID, pero sikapin ding tutukan ang kaso ng dengue. Magbigay ng babala at payo sa taumbayan na mag-ingat sa nakamamatay na dengue. Kung nakakatakot ang COVID, ganito rin ang dengue na banta sa buhay.

Show comments