Ang inyong lingkod ay inihalal bilang konsehal ng Maynila noong 1988. Naglingkod ng dalawang termino, bago tumigil upang mag-aral. Nagbalik sa serbisyo at naging consultant to the Office of the Mayor, Dean ng College of Law ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM), naging Executive Vice President ng PLM at sa huli, naging Pangulo ng Universidad de Manila (UDM). Mahigit 25 taon din ang itinagal ko sa City Government kung saan nakapaglingkod kasama ng mga magigiting na mayor na sumulat sa bagong kasaysayan ng Maynila. Sina Gemiliano Lopez, Alfredo Lim, Lito Atienza, Joseph Estrada at Francisco Moreno Domagoso.
Noong Linggo, pumanaw na nga si Alfredo Siojo Lim. Si Mayor Lim na siguro ang pinakamalaki ang naging impact ng liderato pagdating sa peace and order sa Maynila. Dahil sa kanyang no-nonsense na reputasyon bilang Manila Chief of Police, ipinagkatiwala sa kanya ng Manilenyo ang pamunuan upang mabawasan ang kriminalidad. Pinangangatawanan nito ang kanyang paghihigpit sa pamamagitan ng survey ng residente na Peace and Order ang No. 1 na problema ng Lungsod.
Si Mayor Lim ay nanalo noon bilang independiyenteng kandidato. Kahit wala itong bitbit na sariling line-up ng konsehal, nagkaisa rin ang Konseho na humanay sa kanya at suportahan ang mga kontrobersiyal na programa na malinaw namang para sa ikabubuti ng lungsod.
Ang mga drug pusher ay nangatog sa kanyang kampanyang ipa-spray paint ang kanilang mga bahay. Ang sikat na Ermita-Malate red light district ng Maynila, pugad ng krimen at prostitusyon, ay ipinasara. Tanda ko pa dahil ang inyong lingkod, bilang pinuno ng mayorya sa Konseho, ang nagpastol sa pagpasa ng ordinansa laban sa mga nightclub, bar at lounges sa Mabini at Del Pilar. Naipatayo rin ang Universidad de Manila sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Ilan lamang ito sa accomplishment ni Alfredo Lim. Mula sa kanyang unang termino bilang mayor ay tumakbo itong Pangulo, naging DILG Secretary, nanalong senador bago bumalik muli sa Maynila. Gaano man kalaki ang kanyang impact sa bayan at sa bansa, hindi kailanman nagbago ang kanyang simpleng pagkatao. Malaking kawalan sa ating lahat ang pagpanaw ni Alfredo S. Lim.