Nagpapakitang Gilas ang mga mambabatas kay President Duterte sapagkat sinisimulan nang talakayin ng House Committee on Justice ang batas na bumubuhay sa death penalty. Nasaling yata ang damdamin ng mga mambabatas sa sinabi ng Presidente sa State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 27 na wala nang interes ang mga ito sa parusang kamatayan. Matamlay ang mga mambabatas kaya nagparinig ang Presidente.
Kahapon, tinalakay ng House panel ang 12 bills at isa rito ang kontrobersiyal na parusang kamatayan. Sinabi ni House Majority Leader Martin Romualdez na tatalakayin na nila ang death penalty na binanggit ng Presidente sa SONA.
Hiniling ng Presidente sa mga mambabatas na ipasa na ang death penalty para sa mga drug traffickers at iba pang karumal-dumal na krimen. Kamatayan aniya sa pamamagitan ng lethal injection ang nababagay sa drug syndicates sapagkat ang mga ito ang sumisira sa kinabukasan ng mga kabataan. Ayon sa Presidente, talamak na ang illegal na droga sa bansa na walang ipinagkaiba sa nangyayari sa Colombia at Mexico.
Campaign promise ni Duterte ang paglutas sa drug problem sa bansa. Una niyang sinabi na sa loob ng anim na buwan ay lutas na ang problema. Pero hindi nangyari at lumubha pa kahit maraming napatay sa drug operations.
Nakapagtataka lang na kung kailan nasa gitna ng pandemia ang bansa ay saka ipinasusulong ang parusang kamatayan. Bakit ngayon na marami ang naghihikahos dahil nawalan ng trabaho, walang makain at nagkasakit, at kung anu-ano pang problema saka ipaggigiitan ang pagpapasa ng death penalty. Masyado nang apektado ang buhay ng mamamayan dahil sa pandemic crisis.
Sa halip na talakayin ang parusang kamatayan, bakit hindi muna ang solusyon kung paano makakaahon ang bansa sa kinasadlalang krisis. Ano ang mga gagawing hakbang para mapabuti ang kalagayan ng mamamayan lalo ang mga nawalan ng trabaho.
Salot ang drug traffickers. Totoo ito sapagkat sinisira nila ang kinabukasan ng kabataan. Pero sa kasalukuyan, ang ilalaman sa sikmura ang kailangan ng mamamayan. Ito ang unahin. Isantabi muna ang pagtalakay sa parusang kamatayan.