EDITORYAL - Hawahan sa inuman

Isa sa mga itinuturong dahilan kaya mataas ang hawahan ng virus sa komunidad ay dahil sa mga ginagawang malayang pag-iinuman ng alak at iba pang nakalalasing na inumin. Hindi lang sa Metro Manila may mataas na transmission ng sakit kundi pati sa probinsiya. Batay sa pag-aaral, ang pag-iinuman ng alak na iisang baso ang gamit ay dahilan nang hawahan.

Mula nang alisin ang liquor ban sa Metro Manila noong Mayo makaraang isailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) naging kapansin-pansin ang pag-akyat ng COVID cases. Bagama’t may res­trictions ang pagbebenta ng alak sa mga lungsod sa Metro Manila, iisa pa rin ang suma, may mabibili nang alak at puwede nang maghapi-hapi.

Nang alisin ang liquor ban, marami na ang nagsi-guro at kahon-kahon ang biniling alak para may stock sakali at maghigpit muli o bumalik sa ECQ. Mas inuna pa ang alak kaysa pangunahing pagkain ng pamilya.

Maraming nasabik sa pakikipag-inuman sa kaibigan, kumpare at kapitbahay. Masarap ang kuwentuhan, bidahan at kung anu-ano pang pampasaya habang tumutungga. At dahil sa sarap ng kanilang pag-iinuman, nalimutan na ang ipinatutupad na paghihigpit sa social distancing, pagsusuot ng face mask at paghuhugas ng kamay. Masarap bang magkuwentuhan kapag may social distancing? Hindi siyempre. Kapag nagkukuwentuhan ang mga nag-iinuman, dapat dikit-dikit. At wala nang hugas-hugas pa ng kamay kapag namumulutan. Isang kutsara na lang din ang ginagamit nila. Maski ang pinagtatagayang baso, isa na lang – pinaiikot. Wala na ang takot sa virus kapag nasa espiritu ng alak. At ang resulta nang malayang pag-iinuman – hawahan ng virus.

Kaya may mga lungsod at bayan ngayon na ipinagbabawal na muli ang pagbebenta at pag-inom ng alak para maiwasan ang hawahan. Noong Sabado, ipinag-utos ni Bantayan mayor sa Bantayan Island, Cebu, Arthur Despi ang pag-inom at pagbebenta ng alak. Nakasaad ang utos sa Executive Order No. 42 at may bisa mula Agosto 1 hanggang 15.

Kamakailan, ipinagbawal din sa San Pablo City, Laguna ang pagbebenta ng alak dahil tumaas muli nagka-infection. Isang baso lang daw ang ginagamit ng mga nag-iinuman kaya nagkakahawa-hawa.

Maaaring gawin din ito sa iba pang bayan at lungsod para mapigilan ang pagdami ng kaso ng COVID. Ibawal muna ang alak. Mas mahalaga ang buhay kaysa bisyo.

Show comments