EDITORYAL - Buhay muna bago kamatayan
Sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni President Duterte noong Lunes, hiniling niya sa mga mambabatas na ipasa na ang death penalty para sa mga drug traffickers at iba pang karumal-dumal na krimen. Kamatayan aniya sa pamamagitan ng lethal injection ang nababagay sa drug syndicates sapagkat ang mga ito ang sumisira sa kinabukasan ng mga kabataan. Talamak na aniya ang illegal na droga sa bansa na walang ipinagkaiba sa operasyon ng droga sa Colombia at Mexico.
Nang banggitin ng Presidente na dapat nang ibalik ang death penalty, matamlay ang mga mambabatas at walang reaksiyon. Nagpalakpakan lang nang ang Presidente na mismo ang pumansin na tila walang interes sa death penalty ang mga mambabatas. Sabi niya, balang araw malalaman din ng mga ito ang totoong istorya ng mga nangyayari sa bansa kaugnay sa droga.
Maaaring wala ngang sigla o walang interes ang mga mambabatas na pag-usapan ang death penalty sa panahong ito. Maaaring mas gustong marinig ng mga mambabatas ay ang mga plano ng gobyerno kung paano lalabanan at makakarekober sa krisis na idinulot ng pandemia. Masyadong malubha ang nangyayari ngayon sa bansa na sa kawalan ng trabaho, pagkain at gamot ay marami nang nai-stress. Sa pinakahuling surbey ng Social Weather Stations (SWS), 86 percent ng mga Pinoy ang nagwo-worry sa nangyayaring pandemia. Apektado ang kanilang kabuhayan at may mga nakararanas ng gutom.
Solusyon muna para sa mga apektadong mamamayan ang kailangang pagtuunan ng pansin. Ano ang mga gagawing hakbang para mapabuti ang kalagayan ng mamamayan lalo ang mga nawalan ng trabaho. Totoong salot ang mga drug traffickers at sumisira ng kinabukasan, pero mas dapat unahin ang kaligtasan at ilalaman sa sikmura ng mamamayan. Mas mahalaga ito at wala nang iba pa. Buhay muna bago ang minimithing kamatayan para sa drug traffickers.
- Latest