EDITORYAL - Ibawal muli ang alak
MULA nang i-lift ang liquor ban sa Metro Manila noong Mayo makalipas ang dalawang buwan na enhanced community quarantine (ECQ) naging kapansin-pansin ang pag-akyat ng kaso ng COVID-19. Sumipa agad ang mga nagka-infection makalipas lamang ang isang buwan na alisin ang liquor ban. Bagama’t may restrictions ang pagbebenta ng alak sa mga lungsod sa Metro Manila, iisa pa rin ang suma, mayroon nang alak at kapag mayroon nito, puwede nang mag-inuman at maghapi-hapi kahit sino. At kahit bawal mag-inuman sa kalye, puwede naman sa bakuran o kaya ay sa loob ng bahay.
Dahil sa pagkauhaw sa alak nang karamihan, ang iba’y nagsiguro na at bumili nang maraming bote para may reserba sakaling magkaroon man ng paghihigpit. Nang alisin ang ban, kahon-kahon ng alak ang binili na mas marami pa yata kaysa sa kakainin ng pamilya. Mas inuuna pa ang alak kaysa pangunahing pagkain.
Maraming nasabik sa pakikipag-inuman sa kaibigan, kumpare at kapitbahay. Masarap ang kuwentuhan, bidahan at kung anu-ano pang pampasaya habang tumutungga. At dahil sa sarap ng kanilang pag-iinuman, nalimutan na ang ipinatutupad na paghihigpit sa social distancing, pagsusuot ng face mask at paghuhugas ng kamay. Masarap bang magkuwentuhan kapag may social distancing? Hindi siyempre. Kapag nagkukuwentuhan ang mga nag-iinuman, dapat dikit-dikit. At wala nang hugas-hugas pa ng kamay kapag namumulutan. Isang kutsara na lang ang ginagamit. Maski ang pinagtatagayang baso, isa na lang – pinaiikot.
Hindi lamang sa Metro Manila lumuwag ang pagbebenta ng alak. Maski sa probinsiya, lumuwag na rin. Pero ngayong tumataas ang bilang ng nagkaka-COVID, may mga lalawigan na muling ibinawal ang alak. Halimbawa ay sa San Pablo City, Laguna na bawal ang pagbebenta ng alak dahil tumaas daw muli ang nagkaka-infection doon. Itinurong dahilan ang pag-iinuman ng alak gamit lamang ang iisang baso.
Isa lamang ang solusyon dito, ibawal muli ang alak. Kung walang alak, walang mag-iinuman at magkakasayahan at magbubunga sa pagsira sa health protocol. Huwag hayaang dumami ang COVID case dahil sa alak.
- Latest