Dapat umani ang Pilipinas ng dagdag na 2 milyong tonelada ng palay kada taon. Hindi na makaka-supply ang Vietnam at Thailand ng kulang na bigas natin. Kumokonti ang ani nila, kaya titipirin para sariling kain.
Tinayuan ng China ng 11 dams sa panig niya ng Mekong River. Iniliko ang tubig sa sarili niyang mga bukirin, kaya halos wala nang natira sa mga kapit-bansa sa babang ilog. Nitong 2020 bumagsak ang lebel ng tubig sa pinaka-mababa sa nakaraang 60 taon na sinusukat ito. Tuyot ang maraming palayan, gulayan, prutasan, at palaisdaan sa Vietnam, Thailand, Cambodia, at Laos. Sira ang kabuhayan ng 60 milyon katao. Kapos din ang tubig. Nagkaka-asin na sa saganang Mekong Delta.
Bumubukal ang Mekong sa Tibetan plateau, tulad ng Yellow, Yangtze, at Brahmaputra rivers. Dahil sinakop ng mga naghaharing komunista sa Beijing ang Tibet nu’ng 1956, inaangkin nila ang tubig ng Mekong. Balewala ang pagkakaibigan sa mga bansa sa timog. Magtatayo ang Beijing ng walo pang dams sa Mekong. Tuluyan nang matutuyot ang irigasyon sa Vietnam at Thailand. Matitigil ang pagbili sa kanila ng Pilipinas ng kape, tsaa, starch, isda, alimango at halaan.
Hindi lang ilog ang sinosolo ng mga haring komunista sa Beijing. Pati South China Sea na daanan ng $5-trilyong kalakal ng mundo ay tinuturing na sarili. Habang abala ang mundo sa paglaban sa COVID-19 pandemic, dinagdagan ng Beijing ng armas sa pitong bahura na inagaw sa Pilipinas at kinongkretong fortress. Pakay: Fuel, pagkain, poder. Ninanakaw nila ang isda ng Vietnam, Malaysia, Brunei, Indonesia, at Pilipinas. Inaasam din ang langis at natural gas sa Paracels ng Vietnam at Recto Bank ng Pilipinas.
Nu’ng Pebrero, tinutukan ng armas ng Chinese warship ang patrol ng Pilipinas sa Malampaya gas field. Kesyo raw namasok sa teritoryo ng China, 30 milya mula Palawan at 800 milya mula Hainan. Kung agawin ang Malampaya, lalagapak ang kuryente sa Luzon. Magugutom tayo!