Pumasok na ang Anti-Money Laundering Council (AMLAC) sa kampanya ni President Digong laban sa droga kaya tiyak tapos na ang maliligayang araw ng drug lords sa bansa. Bilyones ang pumapasok sa bulsa ng mga drug syndicates na nag-ooperate sa Pinas sa negosyo nilang droga at malaki ang magiging papel ng AMLAC para i-identify ito at kumpiskahin para gastusin laban sa kampanya vs COVID-19.
Sa unang salpukan ng war vs drugs ni Digong, maraming Pinoy ang nalagas dahil “nanlaban” umano ang drug pushers subalit idinidiin naman ng mga kritiko niya na EJK ang karamihan dito. Kahit maraming droga ang nakumpiska ng mga tauhan ni NCRPO chief Maj. Gen. Debold Sinas hanggang sa ngayon ay marami pang shabu ang umiikot sa kalye at nagtataka ang marami kung saan nanggaling ang mga epektos? Dipugaaaa!
Sinabi ng mga kosa ko sa Camp Crame na ang AMLAC, na konektado sa Central Bank, ay makikipagtulungan sa intelligence agents ng PNP para matukoy ang bank accounts ng drug lords. Kasi nga, sa nahuling drug pushers, marami ang nagsasabing inihulog nila sa banko ang bayad sa kilo-kilong shabu na ibinebenta nila sa kalye.
Karamihan sa mga pangalan sa bank accounts ay Chinese characters subalit ang problema wala namang kakayahan ang PNP na habulin ito. Dipugaaa! Kaya enter ang AMLAC dahil sila ang may karapatang makipag-coordinate sa banko. Get’s n’yo mga kosa?
Sinabi pa ng kosa ko na ang tinatrabaho ng AMLAC sa ngayon ay ang bank account ng isang namatay na bata ni Manila drug queen Guia Gomez. Isusunod na kaya ang mga lote at malalaking building ni Gomez? Dipugaaaa! Magaling magtago sa US si Gomez dahil hanggang sa ngayon hindi pa magawan ng gobyerno kung paano siya maibabalik sa bansa para kasuhan.
Dahil sa AMLAC at pagkamatay ng drug lords sa Bilibid dahil sa COVID, maaring mabawasan na ang supply ng droga sa bansa? Abangan!