Pagbalanse sa ekonomiya at kalusugan ang problema
Malaking hamon ang kinakaharap ng pamahalaan: Papaano babalansihin ang problemang pangkalusugan at ekonomiya sa harap ng COVID-19 pandemic. Kung magtatagal pa ang napakalimitadong galaw ng mga establisimentong pangnegosyo, nahaharap sa pagbagsak ang ekonomiya.
Ngunit simula nang luwagan ang mga ipinatutupad na quarantine protocols, doon naman lumobong muli ang kaso ng mga tinamaan ng COVID-19. Ayon sa nagkakaisang ulat ng mga pagamutan sa bansa, malapit na sa tinatawag na danger zone ang “critical care capacity” ng mga pagamutan na nasa pitumpung porsyento na. Ayon sa Department of Health (DOH) may tatlong ospital na sa Metro Manila ang nagdeklara na hindi na nila kayang tanggapin pa ang karagdagang pasyenteng may COVID-19.
Ani Health Undersecretary Leopoldo Vega, ang bilang ng mga okupadong isolation at intensive care unit (ICU) pati na ang mga mechanical ventilators para sa COVID-19 ay napakabilis ang pagtaas. Kung ang puntirya lamang ay mapabagal ang pagkalat ng virus, ang dapat lang gawin ay magpatupad ng estriktong quarantine policies tulad ng dati. Pero iyan ay mangangahulugan ng paghinto sa operasyon ng transportasyon at industriya at pananatili sa tahanan ng bawat taumbayan. Walang negosyo, walang trabaho, walang kabuhayan.
Ibig ding sabihin, gobyerno ang magsusustento sa pangangailangan ng bawat mamamayan, isang bagay na imposibleng gawin dahil saan kukuha ng pondo ang pamahalaan kung hindi kumiklos ang mga negosyo? Kaya sa tingin ko, nasa gitna ng malaking palaisipan ang pamahalaan, lalo na ang Inter-Agency Task Force (IATF) kung paano babalansehin ang mga patakaran sa pagbubukas ng negosyo at pagsugpo sa pandemya.
Mga restawran ang isa sa nangungunang pinagmumulan ng revenue, at sa kabila ng banta ng pandemya, walang magagawa ang Department of Trade and Industry kundi dagdagan pa ang dine-in capacity ng mga establisimentong ito. Pati ang mga church services ay papayagang na rin basta’t limitado sa sampung porsyento ng capacity ng mga ito ang dadalo.
Hindi nakadaragdag sa revenue ng pamahalaan ang mga simbahan pero mahalaga ang mga ito upang palakasin ang pananampalataya ng tao sa gitna ng krisis na ating kinakaharap. Kaya kitang-kita kung gaano kaseryoso ang problema na hindi lang ang pamahalaan ang dapat kumilos kundi bawat mamamayan.
- Latest