Ate Vi nagtataka
Nagtataka raw si Batangas Rep. Vilma Santos kung bakit labing-isa lang silang mga mambabatas na bumoto ng pabor sa paggagawad ng bagong prangkisa sa ABS-CBN.
Magugunita na sa pinakahuling meeting ng Congressional Franchise Committee ng Mababang Kapulungan, ibinasura ang paggagawad ng bagong prangkisa sa kontrobersyal na network sa botong 70-11. Talaga namang mula sa unang araw pa lang ay marami na ang hindi umaasang maigagawad pa ang prangkisa sa network at alam na nating lahat ang dahilan. Matindi ang galit ni Presidente Duterte sa TV network na nabanggit.
Pero sabi nga ni Rep. Vilma, sa mga naganap na deliberasyon para sa renewal ng franchise ng ABS-CBN, “hindi naman kami ganoon ka-kaunti.”
“Kasi initially, maski sa mga pagdinig, alam ko kahit paano, maraming sumusuporta sa bill na ito na inilalaban namin...Biglang, bakit kami kumonti ng ganito na lang?” ang pagtatanong ng Mambabatas na aktres.
Heto ang rason: Sa kasaysayan ng gobyerno at pulitika, ang Mababang Kapulungan ay palaging sunud-sunuran sa gusto ng Malacañang. Ang dahilan ay malinaw na malinaw. Pulitika.
Nakapagtataka na kung walang halong pulitika ang proseso, hindi naman marahil paglalaruan na parang yo-yo ang network. Binibigyan ng pekeng pagasa na mare-renew ang prangkisa nito ngunit sa kahulihulihan ay ibabasura lang pala ang kahilingan nito.
Sabi nga ni Ate Vi, maraming mga ahensya ng gobyerno, kasama na diyan ang DOJ na nagsasabing walang hadlang para mabigyan ng bagong prangkisa ang ABS-CBN . Pero sa tingin ko’y puro sarsuela lang iyan para hindi magmukhang diktador ang Pangulo.
- Latest