EDITORYAL - Patuloy ang pasok ng shabu sa bansa

Wala pang biyahe ang eroplano at barko dahil lockdown pero patuloy ang pagpasok ng shabu sa bansa. At nakakalusot kahit na mahigpit sa checkpoint. Kahit nasa kasagsagan ang enhanced community quarantine (ECQ) noong Marso hanggang Mayo, maraming nasabat na shabu, Nakapagtataka kung saan galing ang mga ito. Sabi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) tiyak na sa ibang bansa. Hindi na raw makagagawa o makapagluluto ng shabu sa bansa dahil matindi ang kanilang intelligence gathering.
Paano nakakapasok sa bansa kung ganun. ‘Yan ang mahiwagang tanong ngayon. Paano nakapasok at nakalusot sa Bureau of Customs?
Noong Sabado, P27-milyong halaga ng shabu ang nasabat ng mga pulis sa Bgy. Santo Domingo, Quezon City. Apat na suspect, dalawang babae at dalawang lalaki na mga nasa hustong gulang ang naaresto. Hindi na sila nakapalag nang arestuhin ng mga pulis dakong alas otso ng gabi. Nagsagawa ng buy-bust operation ang mga pulis at nadakma ang apat.
Noong nakaraang linggo, napatay ng mga pulis ang dalawang Chinese drug traffickers sa isang enkuwentro sa Parañaque City. Nakumpiska sa mga suspect ang 36 kilos ng shabu na may street value na P244.8 million. Ayon sa mga pulis, nakapagbenta na ang mga suspect ng P2 million na halaga ng shabu sa undercover police operatives pero nakaramdam ang mga ito na pulis ang katransaksiyon kaya bumunot ng baril at lumaban sa mga pulis.
Kamakailan, sinalakay ng mga awtoridad ang isang bahay sa Marilao, Bulacan at nakakumpiska ng 756 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng P5.1 billion. Isang Chinese ang naaresto sa isinagawang raid.
Wala nang katapusan ang shabu business sa bansa. Kahit pa nagbanta si President Duterte na papatayin niya ang drug lords, patuloy pa rin. Mula nang maupo si Duterte noong 2016, ang paglaban sa illegal drugs ang inatupag niya. Marami nang natokhang at napatay na drug suspect pero patuloy pa rin ang pagkalat ng shabu.
Nakapagtataka kung saan nanggagaling ang napakaraming shabu. Kung galing sa ibang bansa, paano ito nakakapasok sa bansa gayung lockdown.
Malaking katanungan ito sa BOC. Maaaring nalulusutan na naman sila. May magnetic filters na may shabu ang nakalusot sa BOC ilang taon na ang nakararaan. Bantaan din dapat ng Presidente ang mga corrupt sa BOC na papatayin ang mga ito kapag nalusutan ng shabu.
- Latest