Ang salitang eczema at dermatitis ay parehong ginagamit para ilarawan ang kahulugan ng pamamaga ng balat. Kadalasan ito ay patse-patse, namamaga, namumula at makati. Ang patse ay maaaring makapal, at nagbubuo ng mga paltos at may sugat kung malala ang eczema.
Klase ng dermatitis:
1. Contact dermatitis – Ito ay resulta ng direktang pagdikit ng balat sa mga puwedeng pagsimulan ng iritasyon kabilang dito ang rubber, metal, alahas, pabango at mga pang-make-up.
2. Neurodermatitis – Sobrang pangangati ito dahil na rin sa pagkamot mismo ng tao sa sariling balat. Maaaring nag-umpisa ito sa maliit na kagat, galos o pagkiskis sa balat. At noong nangati ay patuloy nang kinamot ang balat hanggang sa lumaki ang sugat.
3. Seborrheic dermatitis (tawag ay cradle cap sa sanggol) – Kadalasang lumalabas ito sa anit at mukha na parang makating balakubak o madulas-dulas na kaliskis.
4. Atopic dermatitis – Ito ay dahilan ng pangangati, pagkapal at pagbitak ng balat na kadalasan ay makikita sa pagitan ng braso, bisig o sa likod ng tuhod. Ito ay namamana at kadalasang may kasamang allergy.
Paano maiiwasan at malulunasan:
1. Subukang alamin at iwasang ma-trigger – Ang mga posibleng sanhi ay pagbabago ng temperatura, pagpapawis at stress. Iwasan din madikit ang balat sa mga wool na tela at mga matatapang na sabon na panligo at panlaba.
2. Maglagay ng anti-itch cream o calamine lotion sa apektadong balat – Nagbibigay ang doktor ng 1% hydrocortisone cream na pangtanggal ng kati. Maaari ring uminom ng anti-allergy na tableta kung sobra ang pangangati.
3. Iwasang kamutin ang sugat – Takpan ang parte ng balat na makati kung hindi mapigilan ang pagkamot. Gupitin din ang kuko at magsuot ng gloves sa gabi bago matulog para hindi makalkal ang sugat.
4. Maglagay ng cold compress – Kung babalutin ang bahagi ng balat ng bandage, makatutulong ito protektahan ang balat.
5. Maligo ng maligamgam na tubig – Pumili ng mild soap na walang amoy at siguruhing mabanlawang maigi ang buong katawan.
6. I-moisturize and balat – Gumamit ng oil o cream para manatili sa balat ang moisture at gawin ito pagkatapos maligo.
7. Magsuot ng damit na malambot at presko sa pakiramdam – Iwasang magsuot ng magaspang, masikip at makati.
8. Magpatingin sa doktor – Kung masyado nang masakit ang balat o mayroon nang impeksyon, kumunsulta na sa inyong doktor upang hindi na lumala.