Daming lumalabag sa quarantine rules at kabilang dito ang mga police personnel. Kung sino pa yung inatasang magpatupad ng batas para hindi kumalat ang COVID-19, sila pa ang unang lumalabag at hindi naman sila napaparusahan.
Kaya nagpaalala si Interior Secretary Eduardo Año sa mga pulis na maging halimbawa sa lahat. Huwag daw maging estupido sapagkat papatawan ng parusa o bibigyan ng sanction ang sinumang pulis na mapapatunayang lumabag sa health protocol.
Dapat noon pa ito ginawa ni Año. Dahil naging marshmallow ang DILG sa mga pulis (karamihan ay opisyal), na lumalabag sa quarantine rules, ginaya ang mga ito. Naging masamang halimbawa. Kung pinarusahan na agad sa simula pa ang mga opisyal, maaring walang gagaya na mga mas mababa pa ang ranggo. Nagkulang ang DILG pero hindi pa naman huli ang lahat para parusahan ang mga pasaway na police official.
Gaya nang ginawang pag-relieved ni Año sa puwesto ng isang mataas na opisyal ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa Western Visayas at mga tauhan nito kamakailan. Sinibak niya ang regional director ng BFP dahil sa pagho-host ng party sa Boracay. Nag-viral sa social media na may hawak pang bote ng beer ang opisyal at mga tauhan nitong lalaki at babae. Dikit-dikit sila at walang face mask na isang paglabag sa lockdown rules.
Noong nakaraang Mayo 15, nagdaos ng kaarawan si National Capital Region Police Office (NCRPO) chief General Debold Sinas at sinorpresa siya ng mga tauhan sa pamamagitan ng “mañanita”. Nagkaroon ng kainan at inuman. Nagkuhanan sila ng picture at nakita na hindi naipatupad ang social distancing. Marami ring walang face mask at nilabag ang liquor ban ng panahong iyon na nasa ilalim ng enhanced community quarantine ang Luzon kasama ang Metro Manila.
Mga pulis ang lumalabag sa quarantine rules at ano ang aasahan, nakita kasi na may mataas pa sa kanila na gumagawa at wala namang iginawad na parusa rito. Kung noon pa ay nagsampol na si Año at pinarusahan ang nagkasalang opisyal, baka walang pulis na susuway sa batas ng quarantine.