Tama ba’ng sabihin ni Presidente Duterte sa taumbayan na huwag sisihin ang gobyerno kung maglubha ang pandemya ng COVID-19 sa bansa dahil sa hindi pagtupad ng mamamayan sa mga itinakdang Health protocols? Sa tingin ko ay mali. Maling, maling, mali!
Nauunawaan ng taumbayan ang situwasyon at lahat ng tao, sa katunayan ay takot na mahawahan ng karamdaman. Pero bakit may pagkakataong nakalalabag ang tao sa social distancing? Sa sistema ng pagbibigay ng ayuda halimbawa, pinapipila ang mga tao pagkatapos ay marami pala ang wala ang pangalan sa listahan ng mga dapat tumanggap ng ayuda. Maraming nagsisiksikan nang napakatagal para makuha ang ayuda.
Marahil may pagkukulang din ang taumbayan pero mas malaki ang kakulangan ng pamahalaan sa sistema. Hindi naman gustong maglamierda lang ng mamamayan dahil wala namang matutunguhang lugar para maglibang. Lumalabas lang tayong mga mamamayan para tugunan ang ating mga pangangailangan tulad ng pamimili ng ating kailangan, pag-withdraw ng pera sa banko at pagpasok sa ating mga trabaho.
Sa ganitong sitwasyon, hindi naiiwasan na makipagdikitan sa ibang taong kasalamuha natin na hindi natin alam kung carrier ng virus o hindi. Baka ang sariling kasamahan natin sa opisina o kaya ang bossing natin ay may taglay palang COVID-19 nang hindi niya nalalaman.
Alam nating gumagalaw ang pamahalaan para labanan ang problemang ito pero huwag naman sana sa taumbayan ibunton ang sisi sakaling mabigo ang mga ipinatutupad na hakbang para labanan ang pandemya. Walang sino man ang gustong magkasakit at sa katunayan, lahat tayo ay nangingilag sa bawat isa lalo na kung ang makakasalubong natin ay hindi natin kakilala.
Sa totoo lang, kung may dapat sisihin sakaling pumalpak ang mga hakbang laban sa COVID, ito’y walang iba kundi ang gobyerno lamang na dapat magsilbing tagapangalaga ng mamamayan.