EDITORYAL - Huwag munang mag-relax narito pa ang kalaban

Narito pa ang kalaban at nag-aabang nang makakapitan. Matindi ang kapit sa ikalawang pagkakataon kaya hindi pa dapat mag-relaks ang mamamayan. Mula nang payagan na makapagbukas ang ilang establisimento para may pagkakitaan at gumulong ang ekonomiya, pati na rin ang pagbiyahe ng ilang pampublikong sasakyan, tila nakakalimot na sa pag-iingat ang ilan at nawawala na ang physical distancing. Nagkukumpul-kumpol na naman at ang iba ay walang face mask. At kung may face mask, nakalitaw ang ilong at ang iba naman ay nasa dakong panga na. Mayroong nakasabit na lang sa taynga ang face mask. Meron na ring mga nag-iinuman sa kalsada at may nagkakaraoke pa. May mga nagtsitsismisan na sa kalsada.

Narito pa ang kalaban at naghihintay pa ng mga mabibiktima. Hindi pa dapat balewalain ang sinasabi ng mga awtoridad na mag-ingat para hindi mahawa ng virus. Kailangang panatilihin ang nasimulang paghuhugas ng kamay, umiwas sa karamihan ng tao, mag-face mask at huwag magkumpul-kumpol o magdikit-dikit.

Hindi pa bumababa ang kaso ng COVID-19 at tumataas pa. Araw-araw ay may nadadagdag na kaso at may namamatay. Ang isang magandang balita ay marami ang gumagaling. Mas maganda kung mararating ang numero na hindi na halos gumagalaw ang mga kaso at patuloy naman ang mga nakakarekober.

Nagdudulot naman ng pangamba ang sinabi ng isang propesor sa University of the Philippines (UP) na maaari raw umabot sa 40,000 ang kaso ng COVID sa Hunyo 30 kung patuloy na magluluwag ang gobyerno. Hindi pa raw nararapat ang pagluluwag sapagkat darami pa ang kaso.

May ilang local government units (LGUs) na hu­miling sa Inter-Agency Task Force (IATF) for the Ma­nagement of Emerging Infectious Diseases na isailalim pa sa mahigpit na quarantine ang kanilang nasasakupan. Ayon sa report, 20 LGUs ang humi­ling na baguhin ang kanilang klasipikasyon at ilagay sila mula general community quarantine (GCQ) patungo sa modified enhanced community qua­rantine (MECQ) para ganap na mapigilan ang pagkalat ng virus.

Kailangang sumunod ang mamamayan. Huwag munang maging kampante sapagkat patuloy pang kumakalat ang sakit. Huwag nang maging pasaway at bumalik sa dating nakaugalian.

Show comments