Nahaharap sa isang crucial decision si President Duterte. Paluluwagin ba ang umiiral na community quarantine para maging normal ang operasyon ng ekonomiya, o ito ba’y mananatiling mahigpit upang mapigil ang paglaganap ng COVID-19?
Ano ang silbi ng normal na operasyon ng kabuhayan kung patuloy na mananalanta ang isang pandemyang unti-unting lumilipol sa sangkatauhan?
At kung patuloy na paiiralin ang lockdown subalit wala namang mapagkakakitaan ang taumbayan, malamang mamatay din sa gutom ang tao kaya ano ang napapala rito?
Kung ano ang magiging pasya ng ating Pangulo sa komplikadong isyung ito ay maaaring malaman natin sa araw na ito. Pananatilihin ba ng dalawa pang linggo ang General Community Quarantine (GCQ) o ito ba ay itataas sa Modified Enhanced Community Quarantine sa Metro Manila?
Dapat sana’y ibababa na ito sa mas maluwag ng modified general community quarantine pero ayon na rin sa Spokesman ng Pangulo na si Harry Roque, mukhang malabo pa itong mangyari. Ani Roque, sa nakaraang dalawang linggo na ang Metro Manila ay nasa general community quarantine, nagkaroon ng pagtaas sa kaso ng COVID-19. Natural na mangyayari ito dahil mas marami na ang taong pinapayagang magsilabas ng tahanan kaya malaki ang tsansa ng virus na magpalipat-lipat ng mga warm bodies na bibiktimahin.
Bukod sa Metro Manila, ang GCQ ay ipinatutupad din sa Central Luzon, Cagayan Valley, Calabarzon, Central Visayas, Pangasinan, Zamboanga at Davao City. Nasa atin daw mga taumbayan nakasalalay ang mabilis na pagpuksa sa COVID-19 kung kusa tayong iiwas sa pakiksalamuha sa mga tao. Ngunit tila imposibleng gawin ito dahil sa pang-araw-araw ay bahagi ng ating buhay na makipagtransaksyon sa iba. Bahagi iyan ng ating gawain upang kumita ng pera.