Hindi masisisi ang mga stranded overseas filipino workers (ofws) na magtungo sa ninoy aquino international airport (naia) noong Huwebes dahil nagbabakasakali sila na makasakay ng eroplano pabalik sa kanilang probinsiya. Pero dahil kanselado ang biyahe ng eroplano, hindi sila pinapasok sa loob.
Kaya ang ginawa ng mga OFWs na karamihan ay mga babae, sa ilalim ng flyover sa harap mismo ng NAIA Terminal 3 sila tumambay at doon naglatag ng karton para may mahigaan. Ayon sa mga nainterbyung OFWs, ilang beses nang nakansela ang kanilang flight kaya nagbakasakali sila ng araw na iyon na baka makasakay na. Pero wala pa ring flight. Sabi ng mga awtoridad sa NAIA, hindi pinapayagan ang chance passengers kaya huwag magtungo sa airport.
Umano’y may 200 stranded OFWs ang humugos sa NAIA at nagbakasakaling makasakay. Mayroon namang mga nag-aaplay pa lamang pa-abroad na inabutan ng lockdown sa Metro Manila ang nagbakasakali rin. Galing daw sila sa kanilang ahensiya kung saan, tatlong buwan na sila roon. Ayon sa kanila, sinabihan sila ng agency na magtungo sa airport dahil mayroon nang flight.
Pero ganun na lamang ang paghihinagpis ng mga stranded sapagkat wala naman palang flight. Hindi na raw sila puwedeng makabalik sa kanilang ahensiya dahil wala na rin daw pondo para sa kanilang pag-stay dun. Wala na silang babalikan kaya minabuting umistambay na lamang sa malapit sa airport at bakasakaling makasakay. Ang iba ay may bayad nang plane ticket at ang iba ay umaasang makakalibre nang sakay.
Noong Biyernes, hinakot na ng Pasay City local government unit (LGU) ang mga nasa ilalim ng tulay at dinala sa isang public school sa Villamor Airbase. Sinilbihan sila ng pagkain at iba pang pangangailangan. Nakahinga sila nang maluwag sapagkat maayos ang pinagdalhan sa kanila. Hindi tulad sa ilalim ng tulay na hindi nila malaman kung saan tatakbo sa oras ng “tawag ng kalikasan”.
Nararapat pagpaliwanagin ang mga recruitment agency na nag-utos sa mga aplikante nila na magtungo sa NAIA sapagkat mayroon na raw flight gayung wala naman pala. Sila ang dapat managot kung bakit humugos ang mga tao at nagtipon sa ilalim ng tulay.
Tama rin naman ang ginawang pagsuspende sa Balik-Probinsiya Program at iprayoridad muna ang mga stranded OFWs at iba pa. Kapag napauwi na lahat saka ituloy ang Balik-Probinsiya.