EDITORYAL - Kalbaryo ng jeepney drivers

Ayon sa Department of Transportation (DOTr), sa Hunyo 22 pa malalaman kung papayagan nang makabiyahe ang mga bus at jeepney. Pinag-aaralan pa umano nang mahusay ang pagbabalik sa lansangan ng mga pampasaherong bus at jeepney. Pinayagan nang makabiyahe noong Lunes ang mga Point to Point buses, taxis at TNVS. Yumaot na rin ang MRT, LRT at PNR. Noon pang nakaraang linggo pinayagang makabiyahe ang mga traysikel pero isang tao lang dapat ang pasahero. Hindi na uubra ang tila Krismas Tri na pasahero ng traysikel.

Unti-unti nang nabubuhay ang mga drayber ng P@P, taxi, TNVS at pati mga train. Kumikita na sila kahit paano sapagkat umuusad na sila sa kalsada. Mayroon na silang maiuuwing suweldo sa pamilya at hindi na gaanong kakabahan habang ang bansa ay patuloy pang nakikipaglaban sa COVID-19. Kahit paano, mayroon nang ikabubuhay.

Ang pinaka-kawawa ay ang mga drayber ng jeep­­ney na sa kawalan ng mapagkakakitaan ay napi­­­pilitan nang magpalimos sa kalsada. Wala silang ibang pagkukunan ng perang ibibili ng pagkain sa pamilya. Kulang umano ang natanggap na ayuda mula sa social amelioration program (SAP) kaya napilitan na silang mamalimos. Hinihiling ng jeepney drivers na payagan na silang makabiyahe para kumita at may maipakain sa pamilya.

Kamakalawa, anim na jeepney drivers na nagpapalimos sa kalsada sa Monumento, Caloocan City ang inaresto ng mga pulis at pinigil sa station. Kabilang sa inaresto ang isang 76-anyos na driver­ na nagsabing wala na umano silang maibili ng pag­kain kaya namalimos na sila. Ilang linggo na ang nakararaan, ilang jeepney drivers din ang nama­limos sa Blumentritt, Maynila. Wala na umanong makain ang kanilang pamilya. Sa halip na arestuhin ng mga pulis, binigyan ang mga drivers ng dalawang sakong bigas para huwag nang mamalimos.

Kahapon, sinabi ng Malacañang na pinag-aaralan na ang pagbibigay ng ikatlong bugso ng ayuda para sa jeepney drivers.

Maganda kung magagawa ang ayuda nang madalian pero kung matatagalan, bakit hindi na lang payagang makabiyahe ang mga jeepney pero mahigpit na ipasunod ang social distancing. Lagyan ng plastic partition ang bawat pasahero at kailangang limitado ang bilang ng sasakay. ‘Yung makakasunod sa patakaran ay payagang makabiyahe para hindi na mamalimos sa kalye. Huwag pahabain ang kalbaryo ng jeepney drivers.

Show comments