(Unang bahagi)
Ang kasong ito ay tungkol sa paglabag sa Art. 142 ng Revised Penal Code na nagpaparusa sa taong nagsusulat, nagpapalathala o nagpapakalat ng anumang paninira sa mga awtoridad sa gobyerno. Kasama rito ang lahat ng makakahadlang sa isang opisyal na gampanan ang kaniyang tungkulin o kaya naman ay hihimok sa mga tao na mag-aklas laban sa mga awtoridad o kaya naman ay gagambala sa katahimikan ng komunidad, pati sa maayos na takbo ng ating gobyerno. Para panagutan ang kanyang ginawa ay kailangan ba na patunayan ng walang pag-aalinlangan na ginawa ng akusado ang krimen? Ibig sabihin ba nito ay pinagbabawalan din ang isang mamamayan na punahin ang gobyerno at mga opisyales? Ito ang mga isyung tinalakay at sinagot sa kaso ngayon.
Ang kasong ito ay tungkol kay Pablo Ramos (hindi niya totoong pangalan), kasal siya at mayroong tatlong anak at nakatira sa isang maliit na siyudad sa timog. Wala siyang matinong pinagkakakitaan para suportahan ang kanyang pamilya maliban sa “buy and sell” ng kung anu-anong bagay pati illegal drugs. Patago siyang nagbebenta sa mga kalsada ng siyudad kung saan ang mayor ay si Karlos Bacarro, isang batang pulitiko na umangat mula sa pagiging councilor ng lugar.
Sa pagganap sa kanyang tungkulin, maraming proyektong ipinatupad si Mayor Karlos kasama na rito ang pagpapaganda, paglilinis at pagpapatupad ng katahimikan sa lugar. Isa sa mga programa ni Yorme ay may kinalaman sa pagpapatigil ng pagtitinda ng mga illegal vendor sa kalsada at paghuli sa mga nagpapakalat ng droga sa lansangan. Siyempre pa, isa sa mga apektado sa ginagawa ni Yorme ay si Pablo na napilitang huminto sa kanyang mga operasyon para hindi arestuhin ng mga pulis.
Bilang resulta, nawalan ng ikabubuhay si Pablo. Wala siyang maipakain sa kanyang pamilya kaya nagkasakit ang mga anak niya dahil sa matinding gutom. Sinisi ni Pablo si Yorme sa nangyari at sa sobrang galit, nag-isip ng paraan kung paano makakaganti rito at matanggal sa puwesto. (Itutuloy)