Tiniyak ng Department of Education (DepEd) sa mga magulang na hindi na kailangang bumili ng gadgets ang mga ito para sa kanilang mga anak para makasunod sa bagong pamamaraan ng pagtuturo sa pagsisimula ng school year 2020-2021 sa Agosto 24. Mamamahagi ng printed materials ang DepEd sa mga estudyante kaya kahit wala silang gadget o internet, makakasunod sila sa mga itinuturo. Ang mga printed materials ay dadalhin mismo ng DepEd sa bahay ng mga estudyante saan man naroroon ang mga ito.
Sabi ni DepEd Undersecretary Nepomuceno Malaluan, hindi dapat mangamba ang mga magulang na walang ibibili ng laptops, tablets at smartphones sapagkat magpo-provide ang DepEd ng mga nakaimprentang modules at ito ang pag-aaralan ng mga estudyante sa tulong na rin ng mga magulang nito. Ang magulang ang gagabay sa anak sa pagbabasa ng modules. Maaaring kunsultahin ng magulang ang guro ukol dito sa pamamagitan ng SMS. Ayon kay Malaluan, idedeliber ng mga guro sa bahay ng estudyante ang mga printed modules sa simula ng buwan.
Niliwanag ng DepEd na hangga’t may panganib sa mga mag-aaral ang virus na hatid ng COVID-19, walang face-to-face classes at ang bagong mode ng pagtuturo o blended learning ang ipaiiral. Una nang sinabi ni President Duterte na hindi siya pabor na buksan ang klase sapagkat masyadong mapanganib ang virus sa mga estudyante. Gusto ng Presidente na magkaroon muna ng bakuna bago magbukas ang school year.
Ngayong nakahanap na ng paraan ang DepEd at sinigurong kahit na walang gadget ang mga mahihirap na estudyante ay makakasunod sila dahil sa ipamamahaging printed modules, okey ito. Siguruhin lamang na maidideliber ang modules saanman nakatira ang mga bata. Kapag hindi naideliber ang mga babasahin, dito magkakaroon ng problema. Sikapin ng DepEd na matupad ang mga pinangako at bigyan din ng sapat na atensiyon ang mga guro na maghahatid ng modules.