Pinal na ang pasya ng Department of Education (DepEd) na buksan ang klase sa pampublikong eskuwelahan sa Agosto 24. Sinang-ayunan naman ito ng Department of Health (DOH). Ayon sa DepEd, isasagawa ang enrolment sa darating na buwan. Sabi pa ng DepEd masyado nang atrasado ang pasukan na dapat ay magsisimula sa Hunyo 8 pero sinira ng COVID-19. Kapag sinimulan ng Agosto 24, 2020 ang school year, magtatapos ito sa Abril 30, 2021. Makakahabol pa rin umano ang mga estudyante kahit atrasado ang pagbubukas ng klase.
Maraming tutol sa plano ng DepEd na pagbubukas ng klase sa Agosto. May mga ina na nagsabing natatakot siya para sa kalusugan ng dalawa niyang anak na pawang nasa elementarya. Hindi raw dapat magmadali ang DepEd sapagkat marami pa ang nagkakasakit dahil sa COVID-19. May ina na nagsabing hindi na raw baleng hindi muna makapag-aral ang kanyang anak basta ligtas lang ito sa virus.
Marami pa ang tutol at isa na rito si President Duterte bagama’t kahapon, sinabi ng Malacañang na pabor na sila sa pagbubukas ng klase sa Agosto. Unang sinabi ng Presidente na hindi siya payag buksan ang klase ngayong nananalasa pa ang virus. Ayaw daw niyang mapahamak ang mga estudyante. Dikit-dikit umano ang mga estudyante sa classroom kaya magkakahawahan ang mga ito. Kung may bakuna na para sa COVID-19 saka buksan ang klase.
May nagpayo na sa halip na face to face ang klase, sa pamamagitan na lamang ng computer o internet ang sistema ng pagtuturo. Magandang paraan daw ito kaysa naman magtungo sa paaralan ang mga bata na posibleng mahawa ng virus. Subalit hindi lahat ng mga bata ay may computer. Karamihan ay salat na salat ang pamumuhay. Paano sila makakasabay sa pag-aaral kung internet ang paraan ng pagkaklase?
Isang paraan na maaring gawin ay ipagpaliban pa ng ilang buwan ang pagbubukas ng klase. Maaari itong buksan ng Setyembre o Oktubre. Maaaring sa mga buwan na ito ay wala na ang COVID. Habang hinihintay ang pagbubukas ng klase, magsagawa ng mga pag-disinfection sa mga paaralan para masigurong ligtas ang mga estudyante. Huwag ikumpromiso ang buhay ng mga bata sa ura-uradang pagbubukas ng klase sa Agosto. Pag-isipan muli ang mahalagang bagay na ito.