Sinampahan na ng kaso sa Prosecutor’s Office ng Department of Justice (DOJ) ang 134 barangay officials na sangkot sa corruption sa pamamahagi ng Social Amelioration Program (SAP). Sabi ni DILG Secretary Eduardo M. Año, may 9 pang barangay officials sasampahan ng kaso. Lahat may kaugnayan sa pagnanakaw ng pera na laan sa mga mahihirap na naapektuhan ng COVID-19.
Sabi ni Año, hindi matatakasan ng mga corrupt na barangay officials ang batas. Mananagot ang mga ito. Sinira umano ng mga ito ang tiwala ng gobyerno at ganundin ng mga kabarangay kaya makukulong ang mga ito.
Bago pa ang pamamahagi ng SAP, nag-warning na si President Duterte sa barangay officials na huwag nanakawin ang perang ayuda sa mga mahihirap. Ipakukulong umano niya ang mga mangungurakot ng pondo. Pero sa kabila ng babala, maraming nangurakot. Halos kalahati ng SAP ibinubulsa ng corrupt officials.
Isa sa mga corrupt barangay official na nakunan pa ng video at napanood ng Presidente ay ang kagawad sa Hagonoy, Bulacan na si Reynaldo Flores. Kalahati lang ng SAP ang binigay ni Flores sa mga kabarangay. Nagmura ang Presidente sa napanood, mahirap na nga raw ang mga tao ay ninanakawan pa ito ng kagawad.
Matapos mapanood ang ginawa ni Flores, nag-alok ng pabuyang P30,000 ang Presidente sa sinumang makapagsusuplong sa kanya ng mga corrupt na barangay officials. Ipinayo naman ng Presidente sa mga mayor na kilalanin ang pagkatao ng mga aatasan na mamamahagi ng SAP para hindi masayang ang pera. Siguruhing sa mga mahihirap na nangangailangan mapupunta ang pera hindi sa barangay official na kurakot. Kailangan daw na may malinis na kalooban ang mamamahagi ng pera.
Nasa P205-bilyon ang inilabas ng pamahalaan para sa SAP. Sa second tranche ay 20 milyong mahihirap ang target maayudahan. Lahat umano ang mga hindi pa nakatanggap sa first tranche ay mabibigyan. Ipagkakaloob na umano ito sa mga mahihirap na nasa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ). Bantayan ang pondo para di-manakaw ng mga kurakot na barangay officials.