Inilibing nang buhay (Ika-2 bahagi) I sison

Dinala ulit si Gani sa presinto kung saan gumawa siya ng salaysay na ibinaon nga niya nang buhay ang bata. Gumawa rin ng salaysay si Layla tungkol sa ginawang pang-aabuso sa kanya ng ama hanggang sa maipa-nganak niya si Regine at kung paano kinuha ni Gani ang sanggol. Sa tulong na rin ni Darwin na gumawa ng salaysay tungkol sa narinig niyang pag-iyak ng sanggol, kinasuhan si Gani ng rape sa panghahalay niya kay Layla at infanticide sa pagpatay niya sa sanggol.

Parehong inamin ni Gani ang ginawang krimen noong arraignment pero pinag-utos pa rin ng korte na makuha ang kanyang testimoniya. Dahil magkakaiba ang mga naging salaysay ni Gani kung buhay o patay na ang sanggol ay minabuti ng korte na palitan at hindi ikunsidera ang kanyang pag-amin. Magkasamang isinalang sa paglilitis ang dalawang kaso at tulad ng una, parehong inamin ni Gani ang mga paratang sa impormasyon pati sa ginawa niyang mga salaysay.

Kaya hinatulan ng korte si Gani ng reclusion perpetua para sa kasong rape at kamatayan naman para sa krimen ng infanticide dahil pinagplanuhan niya ang ginawa. Iisa lang din ang nakabawas sa bigat ng kanyang krimen at ito ay ang pag-amin sa ginawa. Awtomatikong itinaas ang kaso sa Supreme Court (SC) para muling mapag-aralan.

Palusot ng abogado ni Gani, nagkamali ang mababang hukuman sa paghatol ng parusang kamatayan dahil hindi naman daw ibinaon nang buhay ang sanggol at katunayan ay patay na ito nang ilibing ni Gani. Isa pa, hindi raw ikinunsidera ng korte na may diperensiya sa pag-iisip ang akusado.

Kinatigan ng SC ang desisyon ng korte. Ayon sa SC, buhay pa si Regine nang ibaon ni Gani at inamin ito mismo ng akusado sa kanyang ginawang salaysay dalawang araw pagkatapos ng insidente at sa kanyang testimonya sa korte.  (Itutuloy)

Show comments