EDITORYAL - Paghandaan ang mga darating pang bagyo

Mahigit 20 bagyo ang nananalasa sa bansa taun-taon at karamihan sa mga ito ay malalakas at mapanira. Alam na ito nang marami kaya naman malayo pa ang bagyo ay nagbababala na ang Philippine Atmospheric, Geophysical ang Astronomical Space Administration (PAGASA) ukol dito. Kaya nakapagtataka kung bakit tila hindi napaghandaan ang Bagyong si Ambo na nanalasa noong nakaraang linggo at malaki ang naging pinsala. Dahil kaya sa pagiging abala sa pakikibaka sa COVID-19 kaya nakaligtaan ang paghahanda sa bagyo?

Pinakagrabeng napinsala ng Bagyong Ambo ang probinsiya ng Eastern Samar kung saan una itong nag-landfall. Maraming nawasak na bahay at nasirang pananim. Nasa 47,000 pamilya ang inilikas dahil sa paghagupit ng bagyo. Sa kasalukuyan, kailangan ng pagkain, tubig, damit at mga materyales para sa pagpapagawa ng bago nilang tirahan ang mga biktima.

Ayon kay Governor Ben Evardone, pinakagrabeng naapektuhan ang bayan ng Jipadpad. Nahirapan umano silang marating ang bayan dahil nasira ang kalsada at tulay patungo roon. Ayon sa governor, ang mga inaning palay ng mga taga-Jipadpad ay naanod ng tubig kaya walang makain ang mga tagaroon. Ganundin ang nangyari sa bayan ng Arteche. Mayroon umanong naani ang mga magsasaka pero nabasa rin dahil sa baha. Humihingi ng tulong ang governor sa national government para madaling makabangon ang kanyang probinsiya. Nagdeklara na ng state of calamity ang probinsiya.

Marami ring napinsala sa Gumaca at Real, Quezon makaraang bayuhin ni Ambo. Maraming bahay na nawasak at mga pananim na nasira. Sabi ng mga residente, hindi  raw nila akalain na ganun kalakas ang bagyo.

Bago pa manalasa ang bagyo, nagbabala na ang PAGASA na maaaring lumakas kaya nagbabala na sa mga lugar na daraanan ng bagyo. Kaya nakapagtataka na mayroong mga bahay sa tinahak ng bagyo na hindi na natalian o nalagyan ng suhay para hindi matumba. Mayroon ding hindi agad nailikas sa mataas na lugar at kung kailan mataas na ang tubig saka nadaluhan ng mga awtoridad.

Ang bagyong Ambo ay unang bagyo pa lamang at marami pang susunod. Sana, maging leksiyon na ang nangyari at makapaghanda na sa mga susunod pa. Katulad ng COVID-19, mapaminsala ang mga bagyo kaya dapat maging alerto.

Show comments