SABI ng mga eksperto, matatagalan pa bago mawala ang coronavirus o ang COVID-19. Pero ang pahayag ng World Health Organization (WHO) kahapon, maaaring hindi na umano umalis o mawala sa piling ng mga tao ang sakit na ito. Mananatili na umano ito na walang pinagkaiba sa sakit na tuberculosis (TB) at Acquire-Immune Deficiency Syndrome (AIDS). Ang tanging magagawa para ito malabanan ay ang makatuklas ng bakuna. Pero kahit na nga may bakuna, mananatili na ang sakit na ito sa kapaligiran o ang tinatawag na endemic. Pahihinain lamang ito ng bakuna pero kahalubilo na ng mga tao.
Kung totoo ang sinabi ng WHO na magiging endemic ang COVID-19, nararapat lamang na ipagpatuloy ng mamamayan ang nakasanayan nang pag-iingat para makaiwas sa virus. Huwag nang bumalik sa dating nakasanayan na hindi nagsusuot ng face mask, kumpul-kumpol sa isang lugar, hindi naghuhugas ng kamay at kung anu-ano pang hindi magandang gawain na nagdudulot ng pagkakasakit.
Mula nang manalasa ang COVID-19, natuto ang marami sa tamang kalinisan. Itinakwil ang hindi magandang nakagawian gaya nang pagdura, pagdumi sa kung saan-saan at iba pa. Marami ngayon, pag-uwi ng bahay naliligo agad at nilalabhan ang sinuot na damit. Hindi na rin ipinapasok sa loob ng bahay ang suot na sapatos para hindi makapagdala ng virus. Ayaw nilang mahawa ang pamilya.
Ipagpatuloy ang mga nakasanayang ginagawa habang nananalasa ang COVID-19. Ito ang nararapat ngayon at sanayin na ang sarili sa mga gawaing ito. Bahagi na ng buhay ang pag-iingat upang hindi kumalat ang sakit. Kung maipagpapatuloy ang nakaugalian, hindi na magugulat o matataranta kapag may mas matindi pang sakit na manalasa. Nakahanda na ang lahat.
Subalit dapat din namang apurahin ng mga kinauukulan ang pagtuklas ng bakuna laban sa COVID-19 para nakasisigurong ligtas ang sangkatauhan.