Maraming ipinagbawal mula nang ipatupad ang enhanced community quarantine (ECQ) noong Marso 16. Kabilang dito ang pagtitipun-tipon ng mga tao. Bawal ang magkumpul-kumpol. Huwag magdikit-dikit. Kailangan ay may physical distancing. Mahigpit na ipinasusunod ang pagsusuot ng face mask. Kasama rin sa pinagbabawal ang pagdaraos ng mga party o anumang kasayahan na maaaring magsama-sama ang mga tao. Pati nga ang mga religious gatherings at activities ay bawal din. Mahigpit ding ipinagbabawal ang pagtitinda ng mga nakakalasing na inumin.
Ang mga ito ay mahigpit na ipinagbabawal para huwag magkahawahan. Ang physical distancing ay mabisang paraan para mapigilan ang pagkalat ng virus na naisasalin sa pamamagitan ng droplets kapag umubo o humatsing ang taong infec-ted. Kung walang mask, malalanghap ang virus at walang tigil sa pagkalat. Sa kasalukuyan, umabot na sa mahigit 11,000 ang infected ng COVID-19 sa bansa. Halos araw-araw ay may naitatalang kaso.
Kaya naman maski si President Duterte ay seryoso sa pagpapaalaala sa lahat na sumunod sa ipinag-uutos para mapigilan ang virus. Ang Philippine National Police (PNP) ang inatasang magpatupad ng mga batas. Mula nang ipatupad ang ECQ, naging mahigpit ang mga pulis. Ang mga nagtitipon sa kalye ay hinuhuli, ang mga walang face mask, nag-iinuman at nagsusugal ay inaaresto. Dapat sumunod sa batas ang lahat.
Noong nakaraang linggo, nagdaos ng kaa-rawan si National Capital Region Police Office (NCRPO) chief General Debold Sinas. Marami siyang naging bisita. Nagkaroon ng kainan at inuman. Nagkuhanan ng picture at nakita na hindi naipatupad ang social distancing sa pagtitipon. Maraming walang suot na face mask. At nalabag ang liquor ban.
Masamang halimbawa ang nakita. Hindi na nakapagtataka kung kumalat pa ang virus sapagkat ang mga nagpapatupad ng batas ay hindi pala sumusunod.