EDITORYAL - Disiplina sa pagtatapon ng basura ngayong may pandemic

Nararapat ang madisiplinang pagtatapon ng basura lalo ngayong nananalasa ang COVID-19. Hindi puwede ang tapon lamang nang tapon sa kung saan-saan lalo na ang mga ginamit o sinuot na pamproteksiyon para hindi mahawahan ng virus. Ang mga ginamit na disposable single-use masks at iba pang protective equipment ay narararapat nakahiwalay sa ibang mga lalagyan at itatapon nang maayos. Ang hindi maayos na pagdi-dispose ng mga ito ay maaaring maging dahilan nang pagkalat ng virus. Ang virus ay nagtatagal sa masks at iba pang protective equipment ng siyam na araw kaya posibleng dito magmula ang pagkalat ng sakit.

Sa kasalukuyan, kapansin-pansin ang mga nagkalat na single-use face masks sa kalsada ng Metro Manila. Maaaring itinapon ng mga walang disiplina o kaya’y nalaglag sa mga garbage truck. Hindi maayos ang pagkakalagay ng mga ito sa garbage bag kaya naglaglagan nang damputin ng mga basu­rero. Sandamukal na ginamit na face masks ang makikita sa mga kalsada na tinatangay-tangay pa ng hangin. Wala nang pakialam ang mga basurero kung malaglag man ang mga basura na puwedeng magdulot sa kanila ng sakit. Karamihan pa naman sa mga basurero ay walang face masks.

Nagbabala ang mga enviromentalists na ang hindi maayos na pagdi-dispose ng mga single-use face masks ay mako-contaminate ang kapaligiran at magkakaroon ng sakit ang mga tao. Ang mga itinapong face masks ay source ng infection.

Bukod sa pinanggagalingan ng sakit ang mga itinapong face masks, nilalason din nito ang tubig at banta sa buhay ng mga lamandagat gaya ng isda. Mapagkakamalan itong pagkain at babara sa kanilang bituka gaya nang nangyari sa mga balyenang sumasadsad sa dalampasigan at namamatay. Mara­ming balyena na ang namatay at nang buksan ang tiyan, nakita roon ang mga kinaing plastic bags, sako, sachet at iba pang basura.

Maraming mapeperwisyo kapag hindi nagkaroon­ ng disiplina sa pagtatapon ng ginamit na face masks at pinakamalala nga ang ay ang pagkalat ng sakit. Ngayong nasa modified ECQ ang Metro Manila, Laguna at Cebu City, dapat lalo pang paigtingin ang disiplina sa pagtatapon ng face masks at iba pang proteksyon na gamit para di-kumalat ang sakit.

Show comments