Nagsalita na si Pres. Rodrigo Duterte. Voluntary not mandatory.
Ibig sabihin, hindi na puwedeng obligahin ang overseas Filipino workers (OFWs) na magbayad ng PhilHealth contribution. Eh di lalong napaganda pa tuloy.
Lintik naman kasi ang salitang mandatory. Dagdagan mo pa ng banta na ang OFW na magmimintis magbayad ng 3% mandatory premium contribution ay may penalty.
May nakaabot pa sa amin sa BITAG na hindi makakakuha ng Overseas Employment Certificate (OEC) ang mga OFW na pabalik sa bansang pinagtatrabahuhan kung hindi bayad ang kontribusyon sa PhilHealth.
Matinding pahirap. Matinding pasakit. Ayan pinatigil. Kung sino lang ang may gusto, wala nang pilitan.
Dagdag pa ng mga OFW na nagsusumbong sa amin, mas maganda pa ang mga health insurance na provided ng kanilang mga employers sa abroad. ‘Yung iba, buong pamilya benipisyaryo pa.
Kaya ang kanilang tanong, anong pakinabang namin diyan? Paano kapag hindi namin nagamit ang kontribusyon? Saan ito mapupunta?
O, ‘yung mga pasimuno nito noon at authors kung bakit naisabatas, kilala n’yo na kung sino kayo. Nakakabingi ang inyong mga katahimikan.
Sigurado, ayaw n’yo kasing matamaan ng hagupit at galit ng OFWs. Ang pinag-uusapan kasi dito, mga buhay na bayani. Eh magsitago man kayo sa ngayon, hindi man kayo umimik, nasa media archive naman ang pangalan niyo. Si Google ang maglalantad sa inyo.
Just make our living heroes, the OFWs happy. Everything will be back to normal. ‘Yun ay kung magkaka-amnesia ang mga OFW ngayong darating na eleksiyon.