May kabuuang 2,103 ang mga bago nating pasang abogado sa nakaraang 2019 Bar Examinations. Sa 7,685 na nagsikuha, 27.63% lamang ang sinuwerte.
Sa lahat ng propesyon sa bansa, natatangi ang abogasiya. Mismong ang Korte Suprema ang nangangasiwa sa paglisensya nito. Ang Bar Exams ang pinaka-brutal hambing sa exam ng medisina, arkitektura, engineering, nursing at iba pa na ang Professional Regulatory Commission ang nakatutok. Ito rin ang pinaka-nauna sa lahat. Mahigit 100 taon na ipinatutupad ang Bar Exams di tulad ng mga ibang propesyon na sa pangalawang bahagi na 20thcentury naumpisahan.
Dahil sa tanda ng abogasiya, sa mga orihinal na pamantasan at kolehiyo naunang nakapagpatayo ng law school. Karamihan nito ay sa Maynila nakalugar – sa university belt. Dahil dito, nakalamang sila sa bilang ng mga gradweyt at topnotcher sa Bar Exams. Papaano nga naman kung ang kanilang produkto lamang ang populasyon ng nag-eeksamen?
Unti-unti ring nagtayo ng law school sa mga probinsiya subalit, maliban sa isa o dalawang higanteng paaralan sa Cebu o Davao, hindi rin masabayan ang kalidad ng edukasyon sa Maynila. Taun-taon, laman ng top 10 ang UP, Ateneo, San Beda at UST.
Subalit mayroon nang new normal sa legal education. Itong 2019 Bar, nanaig ang mga produkto ng provincial law schools sa top 10. Bokya ang UP, Ateneo at San Beda. Ganoon na rin ang kuwento sa nakalipas na tatlong taon. Bago pa man ‘yun, hindi na eksklusibong tambayan ng Manila schools ang top 10. Ang ibig sabihin, nasasabayan na ng probinsiya ang kalidad ng edukasyon sa Maynila. Nahihigitan pa kamo.
Maganda ang implikasyon nito sa propesyon ng abogasiya sa probinsiya. Mas taas noo ang ibang parte ng Luzon, Visayas at Mindano na ang mga home grown nilang abogado ay kasing husay din ng mga Manila Boy. Malayo ang mararating nito tungo sa pagiging kampante nila at sa pagpapataas ng antas ng abogasiya sa bansa.