Ano’ng namnam ang iniwan mo sa bibig ng kapwa?

IPINASOK sa ospital ang uugud-ugod na lolo. Araw-araw binibisita siya ng isang binata at sinasamahan siya nang mahigit 1 oras. Tinutulungan niya ang matanda sa pagkain at pagligo. Ipinapasyal niya ito sa hardin ng ospital. Tapos inihahatid niya muli sa kuwarto at tinutulungang mahiga sa kama. Umaalis lang siya matapos tiyakin na mahimbing na ang matanda.

Isang araw dinalhan ng nurse ng gamot ang matanda, nag-check ng kanyang kundisyon, at nagwika: “Pagpalain sana palagi ng Panginoon ang napakabait at maalagain mong anak. Araw-araw inaalam niya at kinukumusta ang iyong kalagayan.”

Tinitigan ng matanda ang nurse, tapos pumikit at tumugon: “Sana nga isa siya sa mga anak ko. Ulila siya sa kabitbahayan kung saan kami nakatira. Nakilala ko siya isang araw matagal na, nang makita ko siyang umiiyak sa may pintuan ng mosque, dahil namatay ang tatay niya. Nakidalamhati ako sa kanya. Ibinili ko siya ng candy at napangiti ko siya. Hindi na kami nagkita o nagkausap mula noon.

“Nu’ng malaki na siya natunton niya kung saan kami nakatira ng asawa ko. Binibisita niya kami araw-araw at kinukumusta. Nang magkasakit ako, dinala niya ang misis ko sa bahay niya para alagaan. At pinapasyalan ako para masiguro ang paggaling ko.

“Isang araw, tinanong ko siya, ‘Anak, bakit mo kami kailangang pag-abalahan at asikasuhin nang lubos?’ Ngumiti lang siya at nagsabi, “Nananamnam ko pa ang candy sa aking bibig’.”

Ang kabutihang ipinunla mo ay aanihin balang araw, maski gaano man katagal. Huwag magsawang gumawa ng mabuti sa kapwa. At magpasalamat nang lubos sa kabutihan ng iba, sapagkat naroon ang pagpapala ng Diyos. (Natalisod ko ito online at isinalin.)

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments