Nabola (Ika-2 bahagi)
NAHULI ni Jen sina Oliver at Patricia na nagtatalik sa sahig ng kusina. Sumunod na araw, umuwi si Patricia sa kanilang bahay at isinumbong sa ina ang sinapit kay Oliver. Makalipas ang dalawang linggo, nagdesisyon si Patricia at kanyang mga magulang na magsampa ng reklamo sa korte. Pumunta sila sa piskal ng probinsiya para magpatulong at tuloy masuri si Patricia sa ospital.
Samantala, sinubukan ng mayor ng bayan na aregluhin ang kaso sa tulong ng tiyuhin ni Patricia na si Luis. Pero walang nangyaring pakikipag-ayos dahil hindi sila magkasundo sa halagang dapat ibayad. Dumaan pa ang dalawang buwan bago naisampa ni Patricia ang kasong qualified seduction laban kay Oliver. Si Patricia lang ang nagsilbing testigo. Isinalaysay ang mga nangyari at kahit nakakahiya, inamin na nag-uumpisa na niyang magustuhan si Oliver pati ang kanilang pagtatalik.
Sa kanyang depensa, inamin ni Oliver na tumira si Patricia sa kanilang bahay sa loob ng tatlong buwan pero hindi raw bilang katulong kundi konsiderasyon bilang pamangkin ng asawa niyang si Jen. Itinuring daw niya na parang anak ang biktima at todo tanggi siya na nagtalik sila ni Patricia o pinagtangkaan ito. Sa gabi raw ay nakakandado ang pinto ng kuwarto nito at sa araw naman ay wala siya at nagtatrabaho sa bukid. Malabo raw na gagalawin niya ang dalagita dahil 52-anyos na siya noong sinasabing nangyari ang krimen.
Ayon pa kay Oliver, walang ebidensiya na may nangyari talaga sa kanila dahil malabo at paiba-iba ang salaysay ni Patricia. Kung totoong ipinangako raw niya na pakakasalan ang babae para lang maloko kapalit ng pagpayag nito na pagbigyan ang tawag ng laman, dapat ay hindi pumayag ang biktima dahil halata naman na hindi niya magagawa ang pangako. Ginamit din na depensa ni Oliver ang tagal ng pagsasampa ng kaso para suportahan ang palusot niya na ang tiyuhin lang ni Patricia na si Luis ang nagbuyo sa dalagita na magsampa ng kaso.
Pero pagkatapos ng paglilitis, napatunayan ng hukuman na walang pag-aalinlangan na nagkasala si Oliver at hinatulan ng pagkabilanggo ng ilang taon at pinagbabayad din ng danyos. (Itutuloy)
- Latest