Dahil extended hanggang Mayo 15 ang lockdown sa Metro Manila at iba pang lugar dahil sa COVID-19 pandemic, mahihirapan ang mga maysakit na humingi ng medical assistance sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). Kaya minabuti ni PCSO General Manager Royina Garma na buksan ang online applications sa main at extension offices nila para tugunan ang pangangailangan ng mga may sakit na Pinoy. Sinabi ni Garma na ang mga may sakit ay puwedeng mag-log in sa website www.pcso.gov.ph o i-click ang E-Services at ang NCR Online Application. Tatanggap sila ng requests ng medical assistance mula 9:00 a.m. hanggang 2:00 p.m. Puwedeng humingi ang mga maysakit ng medical assistance para sa confinement, at outpatients para sa chemotherapy, dialysis, hemophilia, at post-transplant medicines. Hayan, maliwanag pa sa sikat ng araw ‘yan ha mga kosa?
Ayon kay Garma na kahit suspendido ang operations ng gaming products nila, ang PCSO ay tuluy-tuloy na gumagawa ng paraan para matulungan ang mamamayan at ang gobyerno ni President Digong laban sa COVID. “The agency, adhering and complying to the Bayanihan to Heal as One Act, emphasizes and strengthens this auxiliary role especially in providing healthcare to Filipinos, bearing a part of the weight and augmenting government efforts in these strained and challenging times,” sabi ni Garma.
Hindi lang sa COVID tumutulong si Garma kundi maging sa mga nasunugan sa Bgy. 105 Zone 8 District 1 sa Tondo kung saan nagbigay siya ng tseke na P527,500 bilang calamity assistance. Sa naturang sunog kasi mga kosa noong Abril 18, umaabot sa 4,155 katao ang naging homeless. Kasalukuyang nasa covered courts sa Road 10 at Capulong nakikituloy ang mga nasunugan kaya malaking pasalamat ni Chairwoman Elenita Reyes sa tulong ni Garma na iniabot nina Marie Louise Serojales at Irene Marzan. Abangan!