EDITORYAL - Pagbubukas ng klase sa Setyembre

UNA nang sinabi ng Department of Education (DepEd) noong Martes na maaaring sa Agosto magbubukas ang klase sa pampublikong paaralan. Pero dahil sa rekomendasyon ng government task force laban sa coronavirus, ginawa na itong Setyembre. Ang pagbabago sa opening ng school year 2020 ay kasabay din sa paghahayag ng extension ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Mayo 15 sa Metro Manila, Central Luzon, Calabarzon, Mindoro provinces at iba pang lugar na mataas ang kaso ng COVID-19.
Tamang-tama na kung sa Setyembre magbubukas ang klase, maaaring wala na ang COVID-19. Maliligtas na ang mga bata sa virus. Hindi na mag-aalala ang mga magulang na baka mahawa ang kani-kanilang mga anak sa school. Isa pa, kung Setyembre ang class opening, hindi na mahihirapan sa bagyo at baha ang mga estudyante. Karaniwang ang Hunyo, Hulyo at Agosto ay tag-ulan at pagdalaw ng bagyo kaya kawawa naman ang mga bata. Ito rin ang panahon nang pagdalaw ng iba pang sakit gaya ng dengue at tigdas. Hindi gaanong ulanin ang Setyembre kaya mapapanatag ang mga magulang habang nasa school ang kanilang mga anak. Ganunman, hindi malinaw kung sa Setyembre rin mag-uumpisa ang klase sa kolehiyo at unibersidad.
Kung Setyembre ang opening ng klase, maaaring wala na nga ang pananalasa ng virus sa bansa o ma-ging sa buong mundo. Lubhang delikado kapag mga bata ang dinapuan ng COVID-19 sapagkat malaki ang posibilidad na mamatay gaya ng mga nangyaring kaso sa ilang probinsiya. Ilang bata ang naiulat na namatay at hindi alam kung saan nila nakuha ang virus.
Mapapakinabangan din muna ang mga eskuwelahan sa kasalukuyan habang wala pang klase. Sa ngayon, may mga school na ginagamit ng mga pulis at sundalo na nagpapatupad ng ECQ. Ginagawang tuluyan ng mga pulis na nagmamando sa checkpoint ang ilang school sa probinsiya. Lalo na sa mga lugar na kailangang bantayan ang mamamayan na lumalabag sa ECQ.
Mayroon din umanong ginagamit ang mga school na pinaglalagyan ng relief goods na pinamumudmod sa barangay. Sa kasalukuyan, maraming barangay ang abala sa pamamahagi ng pagkain gaya ng bigas at sardinas sa mga nasasakupan.
Tama lang na sa Setyembre umpisahan ang klase para ganap na mailigtas ang mga bata sa bangis ng coronavirus. Hindi na baleng mabago ang school calendar huwag lang malagay sa panganib ang buhay ng mga bata. Pinakamagandang desisyon ang pagbubukas ng klase sa Setyembre.
- Latest