EDITORYAL- Itodo pa ang paghihigpit para di-magkahawahan
Dumarami pa ang kaso ng COVID-19. Iniulat ng Department of Health (DOH) na umabot na sa 4,428 ang total na kaso sa buong bansa. Maaari pang tumaas kapag isinagawa na ang mass tes-ting sa mga taong pinaghihinalaang infected ng virus. Ayon sa DOH, magsasagawa ng mass testing bukas. Dumating na ang mga test kits at marami na rin ang mga ospital na paglalagakan ng mga pasyenteng may COVID-19. Umaasa ang DOH na titigil na ang pagtaas ng kaso kapag nagsimula na ang mass testing. Niliwanag naman ng DOH na ang tinatawag na mass testing ay para doon lamang sa mga taong pinagsususpetsahang may impeksiyon at hindi para testingin ang mamamayan.
Sana nga ay hindi na madagdagan ang nagkakaroon ng impeksiyon at tumigil nang tuluyan ang paglilipat-lipat ng virus. Ipinatutupad ang 1-metrong distansiya sa bawat tao. Ayon sa DOH, sa distansiyang 1-metro ay hindi na aabot ang droplets na inilabas ng taong infected. Kaya mahalaga ang pagkakaroon ng agwat.
Pero sa panibagong pag-aaral, sinabi na ang 1-metrong distansiya ay hindi sapat sapagkat ang tamang distansiya umano para hindi makaabot ang droplets na may virus ay 4 na metro. Ito raw ang tamang distansiya.
Kung may katotohanan ang bagong pag-aaral na ito sa social o physical distancing malaking kamalian pala ang 1-metrong distansiya. Maaaring ang maikling distansiya na ito ang dahilan kaya patuloy ang pagdami ng mga nahahawahan ng virus. Masyadong malapit sa isa’t isa kaya mabilis na kumakapit.
Ipatupad pa ang paghihigpit sa social distancing lalo sa mga palengke, groceries at sa mga lugar ng informal settlers. Ang mga ito ang nararapat bantayan para mapigil ang pagkalat ng virus. Mayroon din namang mga magkaangkas sa motorsiklo na nakalulusot sa checkpoint. Nararapat ang todo pang paghihigpit sa mga lumalabag sa social distancing at pagsusuot ng facemask.
Hindi dapat masayang ang isang buwang community quarantine. Ipagpatuloy ang istriktong pagpapatupad ng social distancing at ang pagsusuot ng facemask.
- Latest