Mass testing ang kinakailangan
Hangga’t walang maramihang pagsusuri kung ang isang tao ay may COVID-19 o wala, hindi magtatagumpay ang ano mang programa para sugpuin ang kumakalat na sakit. Kaya inaasahan nating masisimulan na ng pribadong sektor na binubuo ng mga malalaking negosyante ang mass testing na ito.
Inihayag ito ni Presidential Adviser for Entrepreneurship at Go Negosyo founder Joey Concepcion at tiyak na malaking tulong ito para matukoy ang karamihan sa mga taong positibo sa karamdaman. Tinalakay ito sa consultative meeting ng gabinete at mga kinatawan mula sa private businesses noong April 9. Dumalo sa pulong si National Task Force (NTF) on COVID-19 chairman at Defense Sec. Delfin Lorenzana, NTF chief implementer General Carlito Galvez Jr. kasama ang mga malalaking leader sa negosyo at industriya.
Naniniwala akong hindi tatangging tumulong sa gawaing ito ang mga negosyante. Unang-una, kapag hindi napuksa agad ang epidemiya, hindi tatakbo ng normal ang negosyo at sila rin ang unang-unang apektado. Mass testing talaga at wala nang ibang katugunan para mapuksa agad ang COVID.
Mahirap kalaban ang sakit na hindi nakikita lalu pa’t marami palang nadadale nito na walang sintomas, ngunit hindi nila alam na sila pala ang nagpapakalat ng mikrobyo. Sa mass testing, matutukoy ang nga carriers na dapat isailalim sa isolation para gumaling at hindi na makapanghawa pa.
Nagkaisa umano ang mga negosyante na maglunsad ng mass testing sa COVID 19 sa kani-kanilang mga opisina at barangay na kinaroroonan ng kanilang tanggapan. Malaking pasanin ito sa pamahalaan na kapos sa budget para lutasin ang problema kaya welcome ang ayudang maipagkakaloob ng pribadong sektor o kahit ng mga pribadong indibidwal na nakakaangat ang buhay at puwedeng magkaroon ng ano mang tulong.
At bakit naman hindi e, lahat tayo ay apektado ng salot na ito kaya wika nga ng kasabihan, “huwag antayin ang nagagawa ng pamahalaan para sa atin kundi tayo na mismo ang kumilos sa pagtulong sa pamahalaan.”
- Latest