EDITORYAL - Pagpapalawig sa ECQ

Inaprubahan ni President Duterte ang pagpa­palawig sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) hanggang Abril 30. Ayon kay Cabinet Secretary Carlo Nograles ang desisyon ng Presidente­ ay base sa rekomendasyon ng inter-agency committee na nangangasiwa para labanan ang CO­VID-19. Una nang nagsalita ang Presidente sa tele­­­­vised address noong gabi ng Lunes at sina­bing pabor siya na palawigin pa ang quarantine sa Luzon­ na magtatapos sana sa Abril 14. Ipinatupad ang lockdown sa Luzon noong Marso 16.

Tama lang ang desisyon na palawigin pa ang ECQ sapagkat patuloy pa ang pagdami ng mga nagkaka-infection. Sa kasalukuyan, umaabot na sa mahigit 3,000 ang positibo sa COVID-19. Ayon sa Department of Health (DOH) sa Abril 14 pa gagawin ang mass testing sa mga hinihinalang may COVID-19.

Maski ang World Health Organization (WHO) ay nagpaalala na ang maagang pag-aalis sa lockdown ay magdudulot nang mas malaking problema sa bansa sapagkat mas maaaring dumami pa ang kaso ng COVID-19. Ayon sa WHO, pabor sila nang mas mahabang quarantine hanggang sa masiguro na wala na ang virus. Payo ng WHO na panatilihin ang pagsusuot ng facemask at ang social distancing para matiyak na hindi kakalat ang virus.

Mahigit tatlong linggo pa bago matapos ang ECQ sa Luzon at sana, sapat na ang panahong ito para ganap na mawala ang salot na COVID-19. Pero magkakaroon lang ito ng kaganapan kung patuloy na maghihigpit ang pamahalaan na huwag palabasin sa bahay ang mga tao. Ayon sa pag-aaral, kapag wala nang makapitan ang virus, kusa itong mawawala.

Isang paraan para tumigil sa bahay ang mga tao ay ang pagbibigay sa mga ito nang makakain at tulong na pinansiyal lalo na ang mga naapek­tuhang mahihirap. Kung may sapat na tulong, hindi sila lalabas ng bahay para maghanap ng ipaka­kain sa kanilang pamilya.

Related video:

Show comments