EDITORYAL - Bigyan ng pagkain para walang lumabas ng bahay
Ipinamahagi na noong Biyernes ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang tulong na pera sa mga mahihirap na pamilya. Unang nakatanggap ang mga taga-Tondo, Maynila at Parañaque City. Sunud-sunod na umano ang pamamahagi ng cash aid. Huwag lang mainip at darating din ang tulong. May kabuuang P200-bilyon ang ipapamamahagi sa mga mahihirap at nawalan ng trabaho dahil sa ipinatupad na lockdown para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Isinailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) ang Luzon noong Marso 16. Sinabi ni President Duterte na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pinili niyang mamahagi ng cash sa mga mahihirap para maiwasan ang korapsiyon. Hiniling niya na maghintay ang mamamayan at unti-unti nang dumarating ito. Ginagawa ng pamahalaan ang lahat para sa mamamayan.
Ayon sa report, maaaring umabot pa sa P800-billion ang posibleng pondo ng gobyerno para malabanan ang COVID-19. Ang pondo ay maaaring kunin sa mga budget ng agencies, unreleased funds, dividends at repurchase deal sa Central Bank.
Maganda kung mas maraming pondo ang gobyerno lalo’t umuugong na baka ma-extend ang quarantine sa Luzon. Kung maraming pondo, bantayan at baka makurakot. Sinabi naman ng Presidente kamakailan na ipakukulong niya ang mga mangungurakot ng pondo o relief goods. Huwag daw magsamantala ang mga opisyal sa nangyaya-ring krisis sapagkat gagawin niya ang banta.
Madaliin ang pamamahagi ng tulong pinansiyal lalo sa mga nawalan ng trabaho. Ang mahigit dalawang linggong walang kayod ay mabigat na pasanin sa mga ama na tanging inaasahan ng pamilya. Maraming no work, no pay. Maraming nawalan ng hanapbuhay gaya ng mga drayber ng jeepney at bus, trabahador sa pabrika, konstruksiyon, restaurant at marami pang iba.
Bigyan din ng sapat na relief goods. Isang paraan para hindi lumabas ng bahay ang mga tao ay ang pagbibigay sa mga ito ng pagkain. Hindi sila lalabas kung mayroong kakainin sa bahay sa panahon ng quarantine. Katwiran ng ilang nahu-ling lumabag sa curfew na naghahanap daw sila ng mauutangan para pambili ng pagkain kaya sila lumabas ng bahay. Bilisan ang pag-ayuda sa mga mahihirap para mapanatag ang kanilang isipan at hindi na lumaboy sa lansangan.
- Latest