EDITORYAL - Babala sa mga kurakot ng pondo at relief goods
May mga barangay kapitan na inirereklamo ng mga residente dahil daw hindi pa sila naaabutan ng tulong. Kung ‘yung ibang barangay daw ay ilang beses nang nakapagbigay ng relief goods, sa kanila raw kahit karampot na bigas ay wala pang dumarating. Marami na ang dumadaing na wala nang maisaing dahil wala na silang pambili dahil nawalan na sila nang pagkakakitaan mula nang ipatupad ang enhanced community quarantine (ECQ) noong Marso 16. Kahit mga jeepney at bus driver ay umaaray na sapagkat natigil ang kanilang biyahe dahil sa ECQ. Ang inaasahan nila ay ang sinasabing tulong mula sa local government units (LGUs) subalit wala silang natatanggap. Meron din daw cash na matatanggap subalit marami ang napapailing sapagkat kung ang bigas at sardinas ay wala silang natatanggap, cash pa kaya.
Nagbabala si President Duterte sa mga mangu-ngupit ng pera at relief goods na ipakukulong niya ang mga ito. Huwag daw magkakamali ang mga opisyal ng gobyerno na nakawin ang pondo o mga tulong sapagkat hindi niya palulusutin ang mga ito. Kapag gumawa umano ng katiwalian ang mga opisyal na naatasang mamahagi ng pera, pagkain at iba pa sa mga apektado ng COVID, humanda ang mga ito sapagkat ipakakalaboso niya.
Binalaan din niya ang mga nagho-hoard ng paninda at mga nagda-divert ng tulong sa mga hindi naman dapat tulungan, huwag na huwag daw itong gagawin sapagkat hindi niya patatawarin. Huwag daw mandaya, mangurakot o itago ang pagkain sapagkat malalaman niya ang mga ito at ipakukulong niya ang government official. Bukod sa ipakukulong, sususpendihin din daw niya ang mga mangungurakot.
Nararapat din namang imbestigahan ng Presidente ang reklamo na may mga barangay chairman na inuunang bigyan ng relief goods ang kanyang mga kamag-anak at supporters. Mayroon ding reklamo na binabawasan ng chairman ang mga naka-pack na relief goods at inilalagay sa kanyang sari-sari store. Dapat parusahan ang mga opisyal ng gobyerno na kinukurakot ang pondo at relief goods para sa mamamayan. Hindi lang sana pawang banta ang Presidente kundi gawin niya para hindi pamarisan ang mga kurakot na government at barangay officials.
- Latest