NGAYON mapaubo, mapahatsing o mapasinghot lamang ang katabi habang nakapila sa groceries o botika at automated teller machine (ATM) ay pinandidirihan na dahil sa epektong dulot ng COVID-19. Sabi nga ng ilan, mas mabuti pa raw ang mapautot at hindi gaanong pandidilatan at kinukutya dahil hindi naman nakakahawa ang utot. Pero ang umubo o humatsing ay isa nang malaking pagkakamali at senyales na pinandidirihan.
Pero mas matindi ang nararanasan ngayon ng ilang health workers na hindi lang pinandidilatan o kaya’y iniirapan kundi sinasabuyan ng bleach o kaya’y chlorine para umano mamatay ang taglay na virus mula sa ospital na pinagtatrabahuhan. Sobra na ang ginagawang ito sa ilang health workers na na nakaharap pa naman sa panganib na dulot ng COVID-19. Hindi dapat ganito ang ginagawa sa mga itinuturing na bayani ngayon.
Isang lalaking health worker sa Sultan Kudarat ang nanganganib na mabulag dahil sa sinabuyan siya ng bleach ng apat na lalaki habang pauwi galing sa pagtatrabaho sa ospital. Ayon sa lalaki, nang makita umano siya na naka-unipormeng pang-ospital, dali-dali umanong kumuha ng bleach ang mga lalaki at isinaboy ito sa kanya. Tinamaan ang kanyang mga mata at hindi siya makakita dahil sa hapdi. Nagmamadali umanong umalis ang mga lalaki. May tumulong sa health worker para madala ito sa ospital. Ayon sa mga doktor maaaring mabulag ang lalaki.
Sa Cebu City, isa pang lalaking health worker ang nakaranas ng diskriminasyon makaraang sabuyan naman ng chlorine sa katawan. Nang malaman umano na nagtatrabaho siya sa ospital, dali-daling may kumuha ng chlorine at isinaboy sa kanya para ma-disinfect. Ayaw daw nilang mahawa sa virus na maaaring dala ng lalaki mula sa ospital.
Igalang ang health workers. Huwag naman silang ituring na may nakahahawang sakit porke at nagtatrabaho sila sa ospital. Dapat pa nga silang tulungan sa pamamagitan ng pagkakaloob sa kanila ng mga protective gears para makaiwas sila sa virus. Hindi sila dapat bastusin sapagkat malaki ang ginagampanan nilang papel para madaluhan at matulungan ang mga biktima ng COVID-19. Kawawa naman sila kaya dapat irespeto.