EDITORYAL - Kastiguhin ng DILG mga tamad na bgy. chief
MARAMI pa ring gumagalang tao sa kalye. Walang pakialam kahit naka-lockdown o may enhanced community quarantine sa Luzon. Walang takot na mahawahan ng kinatatakutang COVID-19. At ano ang ginagawa ng barangay ukol dito? Tila hindi sinusunod ang utos ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Nagbabala ang DILG na ang mga punong bara-ngay ang mananagot kapag nakitang marami pa ring mga tao ang nagkukumpol-kumpol at nag-iinuman sa kalye at binabalewala ang enhanced community quarantine. Nagbanta na kakasuhan ang mga barangy official na hindi tatalima. Maski si President Duterte ay binalaan ang mga punong barangay.
Noong Linggo, naireport ang mga lalaking hinuli ng mga pulis sa Sta. Cruz, Laguna habang nag-iinuman sa kalye sa disoras ng gabi. Bukod sa mga lalaki, may ilan ding babae na nahuling nakikipag-inuman. Dinala sila sa presinto.
Sa Laguna pa rin, may mga lalaking hinuli ng mga pulis dahil sa paglabag sa curfew. Ang masaklap, piniit sila sa kulungan ng aso. Ayon sa mga pulis, lumalaban umano ang mga naaresto kaya nila kinulong. Nagbanta naman ang mga inaresto na kakasuhan ang mga pulis dahil sa paglabag sa karapatang pantao.
Marami pa ring nasa kalye kahit bawal. Halimbawa ay sa H. Santos St. sa Makati City na nagkumpul-kumpol din sa kalsada ang mga tao na tila hindi natatakot sa COVID-19. Halos katabi lang ng mga nagkumpol na tao ang barangay hall. Hindi marahil nakikita ng barangay chairman ang mga taong halos magkakadikit na at walang pakialam sa social distancing.
Habang sinusulat ito, umabot na sa 380 ang kaso ng COVID-19 sa bansa at 25 na ang namamatay. Kung hindi maipatutupad nang maayos ang kautusan, magpapatuloy ang pagdami ng kaso at mayroon pang mamamatay. Kastiguhin ng DILG ang mga tatamad-tamad na barangay kapitan na hindi ipinatutupad ang kautusan.
- Latest