Emergency power

DAPAT bigyan ng emergency power si President Duterte dahil patuloy sa pagdami ang kaso COVID-19 at kapag nagpatumpik-tumpik ang mga mambabatas dadami pa ito. Ayon sa Department of Health (DOH) 380 na ang positibo at 25 na ang namatay kabilang ang tatlong doktor. Nasa enhanced community quarantine ang Luzon subalit ang pagpapatupad nito ay pinagtatalunan dahil karamihan sa mamamayan ay mahihirap kaya hindi uubra na makulong sa bahay ng 1 hanggang 6 na buwan na walang trabaho. Hindi naman kakayanin ng local government units (LGUs) na bigyan ng pagkain ang mga nawalan ng trabaho.

Problema pa rin naman ang mga gumagalang kababayan kahit may home quarantine. Sa Quezon City, punumpuno ang Batasan Police Station sa mga pasaway na gumagala kahit may curfew. Umabot sa 135 katao ang hinuli. Sa Imus, Cavite, 150 ang pinagdadampot dahil sa curfew at liquor ban. At kahit todo bantay ang mga awto­ridad may mga nagtutulak pa rin ng droga. Kahit may banta ng COVID ayaw nilang tumigil. Dapat sa kanila testingin ang COVID vaccine.

Sa aking palagay, dapat bigyan ng emergency power si Digong upang maipatupad ng kapulisan, kasundaluhan at LGU’s ang pagtutok sa COVID-19. Paalala ko sa lahat, sumunod sa ipinatutupad na paghihigpit ng LGUs, PNP at AFP ukol sa home quarantine. Kung walang gumagala, tiyak na walang mahahawa. Pairalin ang “Bahay muna, Buhay Muna”.

Show comments