EDITORYAL - Huwag matigas ang ulo

Seryoso si President Duterte nang ihayag ang enhanced community quarantine noong Lunes ng gabi sa buong Luzon. Bagama’t hindi ginamit ang salitang lockdown, halos nagkakapareho na rin ang kahulugan sapagkat pinagbawalan na ang lahat ng tao na makapagbiyahe o makapunta sa kung saan-saan. Lahat nang transportasyon – pang­lupa, pandagat at panghimpapawid (maliban sa inter­national flight) ay pinagbawal.

Tanging ang mga manggagawa sa ospital at mga nagdedeliber ng pagkain at gamot ang pinapayagang makalampas sa checkpoint. Kailangang magpakita ng mga dokumento o katibayan ang sinuman na magbibiyahe. Walang pinalalampas.

Naging mahigpit ang pagpapatupad ng enhanced community quarantine upang mapigil ang pagkalat ng COVID-19 na umabot na sa 140 kaso at 12 na ang namamatay sa bansa. Kahapon naging mas mahigpit pa ang mga pulis at sundalo na nasa checkpoint. Sinisiguro na walang makakalabas at makapapasok.

Hiling ng Presidente sa mamamayan na sumunod sa ipinag-uutos sapagkat ang kanilang ginagawa ay para sa kaligtasan ng lahat. Ito ang makabubuti. Kung hindi gagawin ang paghihigpit sa movement ng mga tao, magpapatuloy ang pagkalat ng virus at marami ang mamamatay.

Ganyan ang nangyari sa Italy na sa kasalukuyan ay may 21,157 na kaso at 1,441 na patay. Sabi ng isang Pinay na nasa Italy, hindi sana lolobo ang kaso kung sumunod ang mamamayan sa pinag-uutos ng gobyerno. Binalewala ng mga tao roon ang protocols ng Italian government.

Ayon sa Pinay, hindi nakinig ang mga tao at nagpatuloy sa pagdalo sa mga kasayahan, nakipagkita sa mga kakilala at kaibigan kahit na sinabi ng pamahalaan doon na huwag at manatili na lamang sa bahay. “We continued to go out and meet people­ even though we were told not to. We underesti­mated the situation,” sabi ng Pinay sa kanyang post sa social media. Ipinayo ng Pinay sa mga kababayan dito sa bansa, sundin ang sinasabi ng gobyerno para hindi kumalat ang sakit. Hindi dapat maulit ang nangyari sa Italy.

Show comments