EDITORYAL - Tuloy ang POGOs kahit nagdadala ng problema
DAMING problema ang hatid ng mga Chinese na naka-employed sa Philippine offshore and gaming operators (POGOs). Mula nang dumagsa sa bansa ang mga Chinese noong 2017, marami nang nangyaring problema at pinapasan ito ng mamamayan. Panukala ng ilang mambabatas, suspendihin na ang POGOs sapagkat hindi naman talaga nakakatulong sa bansa. Pero sabi ni President Duterte, tuloy ang POGO operation. Ang pondo na ginagamit sa ‘‘Build, Build, Build Program’’ ay sa tax na galing sa POGOs kinukuha at kamakailan, sinabi pa ng Presidente na dito rin kukunin ang pondo para sa COVID-19. Para aniya pangsahod sa mga guro, nurse at pulis ay sa POGOs kinukuha.
Kung ganun, papasanin na lang ng mga Pinoy ang problemang dinudulot ng mga Chinese workers na nagmistulang mga pinakawalang toro sa kural na dito pa sa bansa gumagawa ng kabalbalan. Dumami ang kidnapping na pawang mga Chinese ang gumagawa at ang kinikidnap nila ay mga kababayan din nila na mga natatalo sa sugal. Hindi lang basta kidnapping ang nangyayari kundi may pinapatay pa kapag hindi nakabayad ng utang.
Noong nakaraang linggo, naaresto ng mga pulis ang tatlong Chinese na nangidnap ng kanilang kababayan sa Parañaque City makaraang magbayad ng P1 milyon. Umano’y nagkaroon ng utang ang biktima sa mga taong nag-abduct sa kanya. Nalulong sa sugal ang biktima. Ikinulong ng tatlong kidnaper ang 20-anyos na Chinese sa tinutuluyang hotel sa Parañaque.
Mga abusado rin ang ilang Chinese na para bang kanila ang kalsada sa Metro Manila. May Chinese na nagmamaneho ng lasing at nananagasa ng traffic enforcer. Noong nakaraang linggo, isang Chinese na lasing ang hinabol ng mga pulis makaraang takasan ang kanyang mga nabiktima. Nang abutan ng mga pulis at aarestuhin, dinuraan ang isang pulis sa braso. Nabisto na expired na pala ang pag-stay ng Chinese sa bansa na kung makaasta sa pagmamaneho ay tila hari ng kalsada.
Nakakatulong ang POGOs sa ekonomiya pero nakakaperwisyo rin. Sa halip na maging mapayapa, dinadagdagan ang problema ng mamamayan. Dumarami ang krimen at lumalawak ang pang-aabuso. Kung hindi sususpendihin ang POGOs, sana naman limitahan ang pagpasok ng mga Chinese. Kapag hindi sila nakontrol, ang Pilipinas ang kanilang kokontrolin.
- Latest